Urong, walang sulong

Di na nakagawa ni isa mang hakbang tungo sa pagkakasulong. —Jose Rizal, Ang Pulong sa Tribunal, Noli Me Tangere

NAGANAP na ang pinangangambahan ng 18 malalaking kompanya sa Mindanao na nagbebenta ng saging sa labas ng bansa, lalo na sa China.

Ayon kay Stephen Antig, pangulo ng Pilipino Banana Growers and Exporters Association, 1,500 containers (150 containers lang daw, ayon sa nasagap na balita ni Foreign Secretary Albert del Rosario) na puno ng saging mula sa Mindanao ang pinigil sa mga pantalan ng Dalian, Shanghai at Xingang nang pairalin ang phytosanitary standard ng China.

May nakita raw ang mga Intsik na mapamuksang kulisap sa mga saging mula sa Mindanao, na karaniwang nakikita sa niyog.

Para sa mga magsasaging sa Mindanao, ang kanilang produkto ay pinakamalinis, pinakamasarap at pinakamasustansiya sa buong mundo dahil sa masinsing proseso na ipinaiiral, mula binhi hanggang sa paghahain sa hapag kainan sa ibang bansa, partikular sa China.Naniniwala ang mga magsasaging na ang buwelta sa kanilang produkto ay karugtong ng ganti ng China sa Pilipinas nang iharap nito ang bapor de gera sa mga mangingisdang Intsik.

Nayurakan ang dangal ng mga Intsik nang gamitan ng bapor de gera ang sibilyang mga mangingisda mula sa China at paradahan pa ng Coast Guard.

Libu-libo ang nabubuhay mula sa negosyo ng 18 kompanya sa Mindanao at kapag hindi makapagbenta ang mga ito sa loob ng isang linggo lamang ay mahihinto ang kalakal at ekonomiya sa rehiyon.

Nakasalalay sa 18 kompanya ang malaking bahagi ng ekonomiya sa Mindanao at ang Pilipinas ay nakikinabang din sa buwis na ibinabayad.

Ang 18 kompanya ay nangangalaga sa kapakanan ng mga obrero sa Mindanao at katuwang sa pagpapaunlad sa mga komunidad na nasasakupan ng malalawak na plantasyon.

Maaaring hindi kahindik-hindik ang balitang ito sa Visayas at Luzon, pero, kapag tuluyan nang bumagsak ang ekonomiya sa Mindanao bunsod ng huling dagok sa ibinebentang saging (una nang humagupit ang mahahabang brownout), walang katinuan ang sumasagi sa isip ng nagugutom at api.

Sila’y api dahil walang hakbang na ginagawa ang gobyerno ng Ikalawang Aquino.

Sa panahon lamang ng administrasyong ito umurong, at hindi sumulong, sa pag-unlad ang Mindanao.

Read more...