NAKAKA-INSPIRE ang kuwento ng buhay ng bagong banda sa bakuran ng Star Music – ang Reo Brothers na nakilala sa buong Pilipinas at ibat iba pang bahagi ng mundo matapos silang mabiktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban.
Nakachika namin ang grupo sa launching ng kanilang self titled debut album under Star Music at dito namin nalaman ang hirap at dusa na pinagdaanan nila bago sila nakilala sa music scene bilang Reo Brothers.
Bago pa man manalanta ang super typhoon Yolanda kumakanta na ang magkakapatid na RJ (lead guitar), Raymart (rhythm guitar), Reno (drums), at Ralph (bass) sa iba’t-ibang bar sa Tacloban.
Pero biglang nabago ang takbo ng kanilang buhay nang mawalan sila ng tahanan at kabuhayan sa Tacloban dahil sa bagyong Yolanda.
Sa halip na mawalan ng pag-asa, nagdesisyon ang magkakapatid na ipagpatuloy ang kanilang pagkanta dito sa Manila sa tulong na rin ng isang kaibigang nagmalasakit sa kanila.
Hanggang sa swertehin nga sila at mapansin ng Star Music. At sa kauna-unahang pagkakataon, napasama sila sa concert ng ABS-CBN sa Araneta Coliseum para sa Christmas Special ng network noong December, 2014.
“Parang ‘yung Yolanda lang po ‘yung sagot na magpaalis sa’min dun. Kasi wala kaming iniisip na pupunta kami ng Manila, makikipagsapalaran kami dun,” ani RJ.
Kuwento naman ni Raymart, “Binigyan kami ng calling card (ng isang kaibigan) tsaka sabi niya tulungan daw niya kami. Pagpunta namin dito (sa Manila), tinawagan namin, hanggang sa mabigyan na nga kami ng chance na makapag-perform sa iba’t ibang panig ng Pilipinas maging sa ibang bansa.”
Sabi pa ni RJ, “Si Yolanda rin ‘yung sagot na makatuntong kami ng Araneta, maisama kami sa concert, at maipakita namin na ‘yung natatago naming talento. Basta mapasaya namin ‘yung tao.”
Nag-perform din ang Reo Brothers sa kanilang album launch na ginanap sa Cowboy Grill sa may Quezon Avenue at in fairness ha, talagang nag-enjoy ang lahat ng entertainment writers at reporters sa kanilang performance, lalo na sa mga version nila ng ilang kanta ng VST & Company at Boyfriends.
“Kung sa live shows ay international bands ang madalas naming kinakanta, dito sa album, bibigyang-pugay namin ang OPM legends, tulad ng VST & Company, Hotdog, at Juan dela Cruz.
Sa pamamagitan ng album na ito, gusto sana naming maipakilala ang ganda ng Manila sound sa mga kabataang tulad namin,” pahayag ni Ralph.
Tampok sa album ng Reo Brothers of Tacloban ang apat na revivals at dalawang original songs na likha ng veteran hitmaker na si Vehnee Saturno. Kabilang na rito ang “Awitin Mo Isasayaw Ko”, “Manila”, “Titser’s Enemy Number One” at “Pinoy Ako”.
Ang carrier single ng album ay ang original track na “Ako’y Tinamaan”. Lahat ng anim na kanta ay may minus one version na.
Ang album ay mabibili na sa leading record bars nationwide.
Maaari na ring ma-download ang digital tracks worldwide sa pamamagitan ng online music stores tulad ng ITunes, Mymusicstore.com.ph at Starmusic.ph.
Samantala, hinding-hindi naman malilimutan ng magkakapatid ang naging experience nila sa New York City, para sa “Pinoy Relief Benefit Concert” kung saan nakasama nila sina Jessica Sanchez, Charice, Apl.de.Ap at Jennifer Hudson.
Sila rin ang kauna-unahang Filipino group na nakapag-perform sa sikat na sikat na Cavern Club sa Liverpool, England kung saan nagmula ang idol nilang The Beatles.