CLEVELAND — Umiskor si LeBron James ng season-high 42 puntos para pamunuan ang Cleveland Cavaliers na talunin ang Golden State Warriors, 110-99, kahapon para masungkit ang kanilang ika-18 pagwawagi sa 20 laro.
Si James ay humablot din ng 11 rebounds para daigin ang kapwa MVP candidate na si Stephen Curry at pangunahan ang Cleveland na pataubin ang koponang hawak ang NBA best record ngayong season. Inuwi rin ng Cavaliers ang ika-11 diretsong panalo sa kanilang homecourt.
Si Curry ay umiskor ng 18 puntos kung saan tumira siya ng 5 of 17 mula sa field. Pinamunuan ni David Lee ang Golden State (44-11) sa ginawang 19 puntos.
Hindi nakapaglaro si James sa unang paghaharap ng dalawang koponan noong Enero 9 dahil sa knee at back injuries kung saan tinalo sila ng Golden State, 112-94. Ang four-time MVP na si James ay tumira ng 15 of 25 mula sa field.
Si Cavaliers guard Kyrie Irving ay nag-ambag ng 24 puntos.
Suns 117,Thunder 113 (OT)
Sa Phoenix, gumawa si Russell Westbrook ng 39 puntos tungo sa pagtala ng ika-12 career triple-double subalit sumablay siya sa kanyang game-tying layup may 5.7 segundo ang nalalabi sa overtime para maitakas ng Phoenix Suns ang panalo at putulin ang seven-game winning streak ng Oklahoma City Thunder.
Si Phoenix guard Eric Bledsoe ay muntik namang makagawa ng triple-double sa itinalang 28 puntos, 13 rebounds at siyam na assist.
Sinablay ni Westbrook ang unang walong tira subalit nagtapos siya na may 12 of 38 field goals kabilang ang 1 of 10 mula sa 3-point range at umiskor ng 31 puntos sa second half at overtime para itala ang ikaapat na triple-double ngayong season.