IKA-2 RONDA CROWN NAUWI NI BARNACHEA

MATINDING ensayo at pinagandang kondisyon ng pangangatawan.

Sa dalawang bagay na ito tinuran ni Santy Barnachea kung kaya’t nagawa niya ang makasaysayang kampanya sa 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC at nagtapos kahapon sa dalawang  stage sa Baguio City.

Sa edad na 38-anyos, si Barnachea ang kauna-unahang siklista na naka-dalawang titulo sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado pa ng MVP Sports Foundation, Petron at  Mitsubishi.

Opisyal na iginawad kay Barnachea ang titulo bilang kampeon sa walong stage, anim na araw na karera na kumain ng kabuuang 967.7 kilometro mula Paseo Greenfield sa Sta. Rosa, Laguna hanggang sa Baguio City matapos makalikom ng nangungunang 24 oras, 2 minuto at 44 segundo.

Ang Stage 7 at  8 ay ginawa kahapon sa City of Pines at sapat ang tinapos ni Barnachea na 8.8k Individual Time Trial at isa’t-kalahati at tatlong laps na criterium race para masundan ang unang kampeonato na nangyari noon pang 2011.

“Ilang buwan ding pinaghandaan ko ito. Ang ginawang training mas mahirap sa ahunan na dinaanan namin. Nagpababa rin ako ng timbang, mula 71 kilos, ngayon ay nasa 64 o 65 kilos. Kaya pagdating sa ahon, maganda ang kondisyon ko,” wika ni Barnachea na hindi nakakuha ng stage win sa edisyon.

Pero sinandalan niya ang pangalawang puwestong pagtatapos sa Quezon hanggang Antipolo City Stage Three na kinatampukan ng tatlong ahunan para maiwanan ang mga katunggali.

Ito na rin ang kanyang ikaapat na titulo sa cycling matapos pagharian din ang Tour of Calabarzon noong 2002 at ang Padyak Pinoy Tour Pilipinas noong 2006 kaya’t puwede na siyang magretiro, bagay na hindi sinagot ng direkta ng siklistang kasapi ng Philippine Navy-Standard Insurance.

“Hangga’t gusto pa ako ng Navy-Standard Insurance tuloy pa rin. Kung ayaw na nila sa akin, ayaw ko na rin kasi mahirap kumarera ng walang suporta,” paliwanag nito.

Halagang P1 milyon ang napanalunan ng Barnachea pero hindi niya sosolohin ang gantimpala dahil babahaginan din niya ang mga kasamahan sa koponan na sinuportahan siya sa kabuuan ng karera na may suporta pa ng Cannodale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang mga media partners.

Hindi naman nabago ang puwesto nina George Oconer Jr. at John Paul Morales na nakontento sa ikalawa at ikatlong puwesto sa overall standings kapos ng 6:57 at 7:38 para ibulsa ang P500,000 at P250,000.

Magara rin ang pagtatapos ni Morales dahil siya ang lumabas na kampeon sa ITT race.

Si Ronald Oranza na naghari sa criterium race ang pumang-apat (9:22)  para sa P100,000 premyo habang si Lloyd Lucien Reynante, na kasama nina Barnachea at Morales sa isang koponan, ang pumanglima (12:04) tungo sa P60,000 premyo.

Si Morales ay tinanghal din bilang Petron Sprint King habang si Navarra ay nauwi ang Mitsubishi King of the Mountain sa ikatlong sunod na taon.

Si El Joshua Carino ang naging Standard Insurance juniors (Under-23) champion habang si Jay Lampawog ang tinanghal na MVP Sports Foundation top 17-18 year-old awardee.

Read more...