ISIS, darating na

ANG taong mapamarali, kawikaa’y walang puri sa katawan niyang sarili.  Iyan ay mula sa Pasyong Mahal ni Jesus, na binabasang paawit sa bahay ngayong panahon ng Kuwaresma.

Tigib ng Aral ang Pasyong Mahal at ang ibig sabihin niyan ay ang taong mayabang ay hindi kapuri-puri, maging sa kanyang sarili.  Anak, Bakit Ka Nagkaganyan, tanong sa awit ni Ka Freddie, na nakalimbag na sa t-shirt, kasama ang retrato ng nahihiyang mga magulang (nagtatakip sila ng mukha), ang pinakasikat na kasuotan sa pagdiriwang ng EDSA (noon, ang pinakasikat na t-shirt ay ang Ninoy Hindi Ka Nag-Iisa).

Saglit na kuwentuhan sa gilid ng San Jose-Marilao Road sa Barangay Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan ng magmamais (naglalako ng mais) at Asam.  Magmamais: Simple lang naman ang nangyari sa Mamasapano, ginagawa lang kumplikado ng mga senador para hindi maintindihan ng tulad kong mababa lang ang pinag-aralan.

Asam: Bakit mo nasabing simple lang ang nangyari sa Mamasapano, naintindihan mo ba ito?  Magmamais: Oo naman, dahil ang nangyari sa Mamasapano ay sa pagitan ng masama at mabuting tao.

Asam: Ang ibig mo bang sabihin ay ang masasama ay ang mga moro at ang mabubuti ay ang SAF?  Magmamais: Depende iyan kung saan ka nakatayo, sa loob ng Mamasapano o sa labas.

Asam: O sige, naintindihan na kita.  Magmamais: Bida-kontra bida lang iyan.  Ang tingin ng mga moro, sila ang bida.  Ang tingin ng mga SAF sila ang bida at sa pelikula ay namatay nga ang bida dahil sa serbisyo sa bayan.

Asam: Kung ganoon ay masaya ka na sa imbestigasyon ng Senado.  Magmamais: Hindi ako masaya sa imbestigasyon ng Senado dahil pinagtatakpan nila si Pangulong Aquino at inililigtas nila para hindi ito masisi.

Asam: Sino ang gusto mong mag-imbestiga?  Magmamais: Ang gusto kong mag-imbestiga ay sina Senador Lito Lapid, Bong Revilla at Jinggoy Estrada.  Huwag na si Tito Sen, komedyante yun.

Asam:  Bakit naman ang gusto mong mag-imbestiga ay sina Senador Lito Lapid, Bong Revilla at Jinggoy Estrada, gayung wala naman sila sa Senado.  Magmamais: Eh di dalhin sila sa Senado, wala naman sila sa ibang bansa.

Asam: Bakit naman ang gusto mong mag-imbestiga ay sina Senador Lito Lapid, Bong Revilla at Jinggoy Estrada?  Magmamais: Kasi sila ang mga bida, sila yung lumalaban at ipinagtatanggol nila ang mga api, lalo na si Lito Lapid, Leon Guerrero iyan.

Asam: Pero nakakulong sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada at hindi dumadalo si Lito Lapid sa mga bista sa Senado.  Magmamais: Gayun nga.  Di ba sa pelikula niya, bigla na lamang susulpot si Leon Guerrero at tumba ang kontra bida?

Sa gilid ng hagdang bato sa Caloocan City Police Station, saglit na kuwentuhan habang bumibili ng sigarilyo ang miyembro ng SWAT.  Asam: Malinaw na ba sa iyo ang nangyari sa Mamasapano?

SWAT: Matagal nang malinaw sa akin ang nangyari sa Mamasapano.  Matagal na ring malinaw sa aming mga special forces ang nangyari sa Mamasapano.  Asam: Sino ngayon ang nagkamali?

SWAT: Si Pangulong Aquino.  Sinolo kasi niya ang operasyon gayung hindi naman niya alam ang tactics at special tactics.  Maraming magagaling sa militar. Kaya nga hindi nila basta-basta kinukuha si Marwan dahil alam nila na nasa pusod ng malawak na base ng MILF ang international terrorist.

Asam: Pero, napatay naman si Marwan.  SWAT:  Eh, paano naman yung pinasabog na mga ulo ng SAF?  Dito sa Caloocan, kapag pinasabog ng Balwarte (pugad ng malaking sindikato ng droga) ang ulo ng SWAT ay magkakaubusan na.  Kaya ang dapat ubusin diyan ay ang BIFF hangga’t di pa ito kinakampihan ni Pangulong Aquino.

Nagpapasalamat ang bugok na mga pulis sa Caloocan kay Leila de Lima dahil, para sa kanya, ay walang chain of command sa National Police, bagaman ang commander-in-chief ng PNP ay ang butihing anak nina Ninoy at Cory.  Ang sabi ng mga bugok ay tama pala sila.

Tama ang mga bugok na huwag nang ipaalam sa kanilang hepe ang kanilang gagawin at tama rin pala si hepe na huwag na niyang ipaalam sa kanyang mga tauhan ang kanyang gagawin dahil walang chain of command sa PNP.  Dahil sa pahayag ni De Lima, mas dadami ang mga bugok sa Caloocan City Police Station.

Tuwang-tuwa ang mga pulahan (Marcos Loyalists at Marcos Loyalists Forever) dahil hindi dumalo sa paggunita ng EDSA si Fidel Ramos.  Heto ang sabi ni Vangie: Marcos Loyalist din naman si Fidel Ramos.  Kaya welcome back.  Suportahan na lang niya si Bongbong.

Matagal nang napaliligiran ng mga sinungaling ang Ikalawang Aquino.  At, pagkatapos ng isang buwan sa pamamaslang mga SAF, ngayon lamang nalaman ni Aquino na pinagsinungalingan siya.

Noong araw na pinatay ang mga SAF ay hindi kumibo at nanahimik si Aquino. Siya lamang ang nakaaalam kung bakit siya hindi kumibo at nanahimik nang matagal, pero para sa mga balo, kabastusan iyan sa mga patay.

Hindi raw naganap ang mainitang palitan ng salita nina Aquino at mga balo, ayon kay Edwin Lacierda.  Nagsisinungaling si Lacierda, ayon sa isang balo.

Mahirap talaga kapag ang paligid ay puro sinungaling.  Bukod sa hawa-hawa na iyan ay nagiging garapalan na ang pagsisinungaling (ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw, ani Susan Roces).

MULA sa bayan (0906-5709843):  Kapag binigyan ng kapangyarihan ang mga moro, darating na sa bansa ang ISIS. Matagal nang nasa lugar nila sa Mads (Marwan). …7892

Hindi na po kailangang iparating pa sa ICC ang usapin sa Mamasapano.  Magaling ang Pinoy.  Kayang maresolba iyan.  Ang problema ng gulo sa Mindanao ay sila-sila lang iyan.  Ang kapwa moro ang nag-aaway.  Hindi naman nag-aaway ang mga Kristiyano at Moro.  Ang dapat bigyang-pansin ng GRP ay ang hindi pagkakaunawaan ng mga moro, bakit hindi sila magkasundo.  Dods Pandi, Tacurong City, Sultan Kudarat. …9382

Read more...