PNoy (hindi ka) nag-iisa

SA panahon na ang isang tao ay may kinakaharap na mabigat na problema at halos wala na itong masulingan, kaagad-agad, ang malalapit nitong mga kaibigan lalu na ang mga kamag-anak ang humaharap at nagtatanggol sa kanya.

Napatunayan na sa maraming pagkakataon ang ganitong paniniwala na kahit na anong bigat ang pagkakamali o pagkakasala ng isang tao, sa panahon ng panga-ngailangan, ang pamilya ang pikit-matang tutulong.

Ika nga, ang pamilya at ang pinakamalalapit na kaibigan ang first line of defense.

Pero tila kabaligtaran ito sa nangyayari ngayon kay Pangulong Aquino.

Sa harap ng mabigat na problemang kinakaharap ngayon ng pangulo, sa halip na lumantad ang kanyang mga tunay na kaalyado, wala ang mga ito sa kanyang tabi para siya ay ipagtanggol.

Ang usapin sa pagkakapaslang sa 44 miyembro ng Special Action Force ang siyang pinakabago at pinakamalaking problemang kinakaharap ni Ginoong Aquino sa kanyang administrasyon.

Maaaring nalusutan niya ang ibang malalaking mga kontrobersya gaya ng Luneta massacre at ang Disbursement Acceleration Program (DAP), pero ngayon ay halatang-halatang hirap na hirap ang kanyang administrasyon na solusyunan ang problemang dulot ng Mamasapano incident.

Isang malungkot na trahedya sa buhay ni Ginoong Aquino ang nangyayari ngayon sa kanya — ang talikuran ng mismong mga malalapit na kaanak.

Mismong ang kanyang tiyuhin na si Peping Cojuangco na kapatid ng kanyang inang si dating Pangulong Cory, ang nananawagan na siya ay magbitiw na sa pwesto.

Bukod kay Peping, hindi rin marinig ang pagtatanggol ng kanyang mga tiyuhin at tiyahin sa panig ng kanyang ama.
Sina dating Senador Butz Aquino at Tessie Aquino-Oreta, na mga kapatid ni Ninoy,  na sa halip na ipagtanggol ang kanilang pamangkin ay  piniling manahimik na lamang at umiwas sa kontrobersiya.

Iniwan na rin si Ginoong Aquino ng ilang obispo at pari na dating mga kakampi ng kanyang ina.
Ang kanyang kakamping si Mae Paner a.k.a Juana Change ay tumalikod na rin sa kanya, kasama ang ilang mga kaalyado sa pulitika.

Nasaan na ang mga kakampi na magtatanggol kay Ginoong Aquino? Ang mga inaasahang kakampi na naging kasama ng kanyang ama at ina na lumaban sa panahong ng diktadurang Marcos.

Mukhang iniwan na ng tuluyan si Ginoong Aquino ng orihinal na “Yellow Group”.
Masakit na marinig na meron talagang ibang pag-uugali si Ginoong Aquino kung ang pagbabasehan ay ang pag-iwas ng kanyang mga kaanak na saluhin siya sa panahon na may kinakaharap siyang pagsubok.

Sayang at hindi naisip ni Ginoong Aquino na kung naging maayos lamang ang kanyang relasyon sa mga taong nagmahal sa kanya at mga taong sumusuporta sa kanya, malamang na hindi siya nag-iisang nangangatwiran at nagpapaliwanag sa harap ng taumbayan.

Sa natitirang buwan ng panunungkulan ni Ginoong Aquino malusutan sana niya ang gusot na pinasok ng kanyang administrsayon.

Read more...