PEREZ WAGI SA STAGE 5; BARNACHEA UNA PA RIN

HUMUGOT ng lakas sa kanyang mga kababayan ang Pangasinense na si Dominic Perez para makatikim ng unang malaking panalo sa Ronda Pilipinas 2015 na handog ng LBC nang kunin ang kampeonato sa Stage Five mula Tarlac City hanggang Dapupan City kahapon.

Sa pagdaan sa Sto. Tomas, Pangasinan na kung saan nagmula si Perez, ay umatake siya at 19 iba pang siklista at mula rito ay nagsama-sama na para sa matinding sprint finish.

Mapalad si Perez na may natitirang lakas pa para maunahan sina Mark Julius Bonzo at John Renee Mier sa pagtawid sa meta.

“Hindi ko na na-break dahil laspag na. Itinodo ko na talaga,” wika ng 20-anyos na si Perez na dumiretso sa nanonood ngunit wala namang nasaktan sa pangyayari.

“Sa Sto. Tomas na bayan ko, doon kami kumawala. Ang mga kababayan ko nandoon lahat sila at nanood.

Nagpapasalamat talaga ako at nakuha ko ito,” dagdag ni Perez na nasa ikalawang sunod na taon pa lamang na sumali sa karera na may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.

Ang tatlong naunang siklista kasama sina Jerry Aquino, Lloyd Lucien Reynante at El Joshua Carino ay may iisang tiyempo na tatlong oras, 4 minuto at 42 segundo.

Nanatili namang hawak ni 2011 champion Santy Barnachea ang pangunguna sa overall bitbit ang 17 oras, 29 minuto at 03 segundo.

Magkasabay silang tumawid nina Stage One winner George Oconer Jr. at John Paul Morales para okupahan pa rin ni Oconer ang ikalawang puwesto sa overall kapos ng 7:38 (17:36:41) habang si Morales na ang nasa ikatlong puwesto kapalit ni Cris Joven, naghahabol ng 9:26 (17:38:29).

Si Joven ay bumaba sa ikaapat na puwesto (11:30) habang si Ronald Oranza ang nasa ikalima (11:35).

“Bukas talaga magkakatalo,” wika ni Barnachea na ang tinutukoy ay ang Dagupan hanggang Burnham Park sa Baguio City na dadaan sa mapanghamong Naguilan road.

“Pagkatapos ‘yun, iyon na iyon. Kasi ang ITT (Stage 7) maigsi lang at ang criterium (Stage 8) wala na iyon,” banggit pa ng 38-anyos na si Barnachea.

Kasama sa puwedeng maging palaban sa Stage Six ay ang mga batikang climber na sina Irish Valenzuela at Baler Ravina.
Nasa ikapitong puwesto si Valenzuela (12:02) habang si Ravina, na nagwagi sa Stage Two, ay nasa ikasiyam na puwesto (12:49).

“Hanggang hindi pa tapos, puwede pa kaming manalo. Gagawin ko na lang ang lahat ng makakaya ko at kung ibibigay ng Diyos,” wika ng 2013 champion na si Valenzuela.

Ang walong-stage, anim na araw na karera ay suportado pa ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp, Maynilad at NLEX bukod sa TV5 at Sports Radio bilang media partners.

Read more...