LALONG tumitingkad ang kabutihan ng isang Pilipino kapag nasa ibayong dagat.
Ito ang masayang nasambit ni DB na kararating lamang mula sa Canada. Matagal na umano nilang hinihintay ng kanyang asawa ang petisyon nila patungong Canada, ngunit na sila’y maabisuhan na aprubado na ang lahat at maaari na silang umalis, hindi nila iyon napaghandaan.
Kahit hindi handa, nagdesisyon pa rin ang mag-asawa na tumuloy sa Canada. Iniwan nila ang magandang trabaho sa Pilipinas, pati ang sariling bahay at mga sasakyan.
Kung usapin lamang ng pinansiyal, hindi na rin naman nila kailangang mag-abroad pa. Maganda ang kabuhayan nila rito at hindi naman sila kinakapos. Kung tutuusin ay labis-labis pa nga dahil wala silang anak. Nais lamang nilang subukan kung paano mamuhay sa ibayong dagat.
Palibhasa’y walang kahandaan, bitbit lamang nila ang tipikal na ugali ng Pinoy na “bahala na’. Katwiran ni DB anuman ang mangyari sa kanila sa Canada, may babalikan sila sa Pilipinas.
Pagdating sa Canada, nag-hotel muna sila ng ilang araw. Nagtungo naman ang misis ni DB sa ibang probinsiya ng Canada upang makipagkita sa kamag-anak doon habang siya naman ang nanatili sa syudad para maghanap ng trabaho at pansamantalang matitirahan nila.
Dito nakilala ni DB ang mag-asawang Pinoy na tumulong sa kaniya. Pinatuloy siya agad nito sa kanilang tahanan. Animo espesyal ‘anyang bisita ang trato sa kaniya. Pinagamit siya ng sariling kuwarto. Pati pagkain ay hindi nila ipinagkait.
Gulat na gulat si DB sa kabutihang asal na ipinakita ng mag-asawa, hindi kasi siya makapaniwala, dahil bihirang-bihira na nga naman sa panahon natin sa ngayon makakita ng may tunay na malasakit sa kapwa. Kaya naman labis-labis ang pasasalamat niya nang tanggapin ang alok na tulong ng mag-asawa.
Umaalis siya araw-araw upang maghanap ng trabaho pati na rin ng mauupuhang bahay nila ni misis. Isang araw sa kaniyang pag-uwi, nagulat na lamang siya na maraming pinamili ang mag-asawa.
May mga kumot, unan, kurtina, gamit pangluto, mga plato, baso at marami pang iba. Lalo pa siyang nabigla nang sabihin ng mag-asawa kay DB na sa kaniya lahat ang mga gamit na iyon.
Hindi siya makapaniwalang ipinag-shopping sila ng mga gamit pambahay gayong labis-labis na ang tulong na naibigay ng mga ito sa kanila.
Nahihiya man, tinanggap ni DB ang lahat at nangakong babayaran ang lahat sa sandaling makapagtrabaho na. Pero mabilis itong tinanggihan ng mag-asawa.
Ang tanging bilin lamang ng mga ito, sa sandaling may mangailangan din na Pinoy gawin niya ang ginawa nila sa kanya.
Maging bukas-palad din sana siyang tumulong sa mga nangangailangan pagdating nang panahon na maging maayos na ang kanilang kalagayan sa Canada.
Ganoon din kasi ang nangyari sa kanila nang una silang dumating sa Canada kung kayat ganito rin ang ginagawa nila sa kapwa Pinoy na nangangailangan ng tulong.
Ang kabutihan nga naman, nanganganak din ng kabutihan. Kailangan, pay it forward.