Dating alalay ni Claudine kinampihan ng korte

claudine barretto
“NOT guilty!” Iyan ang naging hatol ng korte sa dating alalay ni Claudine Barretto matapos itong kasuhan ng qualified theft noon May 17, 2013.

Sa inilabas na resolusyon ni Judge Romeo Tagrang ng Marikina Regional Trial Court noong Jan. 26, 2015, hindi naiprisinta ng kampo ni Claudine ang mga kaukulang ebidensiya para idiin sa nasabing kaso si Dessa Patilan.

Kung matatandaan sinampahan ni Claudine ng kasong pagnanakaw si Dessa, kinuha raw ng dati niyang alalay ang kanyang pera, alahas, at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng P8,051,800.

Nakalaya pansamantala si Dessa mula sa pagkakakulong sa Marikina detention cell matapos siyang tulungan ng kapatid ni Claudine na si Gretchen Barretto. Si Greta ang nagrekomenda kay Atty. Alma Mallonga sa kampo ni Dessa para ipagpatuloy ang kanilang kaso.

Ayon sa ulat, napalakas ang kaso ng dating alalay ni Claudine matapos mag-file ng “Demurrer to Evidence” o mosyon na nagre-request sa korte na ibasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Partikular na kinuwestiyon ni Dessa ang paglabag sa kanyang “right to privacy” matapos halughugin ang kanyang mga kagamitan ng complainant ng walang search warrant mula sa mga otoridad.

Nakasaad din sa resolusyon  na ang mga kagamitang sinasabing ninakaw daw ni Dessa ay napunta rin kay Claudine at ginamit pang ebidensiya sa korte, kabilang na rito ang isang DV1 camera, dalawang medallion bracelet, makeup kit at mobile  phone.

Isa pang nagpalakas sa kaso ni Dessa, ayon pa kay Atty. Mallonga ay ang pagtestigo ng nakahiwalay na asawa ni Claudine na si Raymart Santiago na siyang nagpatunay na walang ninakaw sa kanya ang dating alalay ng aktres.

Dahil dito, abot-langit ang pasasalamat ni Dessa kay Gretchen dahil ito raw ang naging daan para siya’y mapawalang-sala.
“Sobrang saya ko po sa tiwala na ibinigay sa akin ni Ma’am Gretchen at ng aking mga abogado.

Sila ang nagbigay sa akin ng pag-asa na, maliit man akong tao, ay maaari kong makamit ang hustisya. Hindi po nila ako pinabayaan,” ani Dessa sa isang panayam.

Sa ngayon, dinidinig pa rin sa korte ang apela ng kampo ni Dessa kaugnay sa ibinasurang qualified theft complaint na inihain naman nila laban kay Claudine.

Hanggang ngayon daw kasi ay hindi pa naibabalik sa dating alalay ang kanyang electronic tablet at cash na P10,700 na diumano’y kinuha sa kanya ni Claudine noong May 10, 2013.

Nauna na itong idinenay ng aktres – ang dati raw niyang secretary ang kumuha ng mga ito. Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na official statement ang kampo ni Claudine.

Read more...