San Miguel Beer, NLEX magtatapat

Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. NLEX vs San Miguel Beer
7 p.m. Alaska Milk vs Barako Bull
Team Standings: Meralco (5-1); Talk ‘N Text (5-1); Rain or Shine (4-2); Barako Bull (3-2); Purefoods (4-3); Globalport (4-3); Barangay Ginebra (3-3); Alaska (2-3); Kia (2-4); San Miguel Beer (1-4); NLEX (1-4); Blackwater (1-5)

MATAPOS na makapasok sa win column, pipilitin ng San Miguel Beer na ipagpatuloy ang pag-arangkada sa kanilang salpukan ng NLEX sa PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-4:15 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Sa alas-7 ng gabi na main game, sisikapin ng Barako Bull na makaiwas sa ikatlong sunod na kabiguan kontra mapanganib na Alaska Milk.

Matapos na magkampeon sa Philippine Cup sa pamamagitan ng 4-3 desisyon kontra Alaska Milk, nanlamya ang Beermen at natalo sa unang apat na laro ng kasalukuyang kumperensiya.

Noong Sabado ay nairehistro ng San Miguel Beer ang unang panalo nito nang payukuin sa unang pagkakataon ang Meralco, 102-86, sa Cagayan de Oro City.

Nagmistulang madali ang panalo dahil hindi nakasama ng Bolts ang import na si Josh Davis sa kabuuan ng second half.
Si Davis ay bumagsak may 7:16 ang nalalabi sa second quarter matapos piliting butatain si June Mar Fajardo. Binuhat siya ng medic at hindi na nakabalik.

Sa pagkawala ni Davis ay tumindi ang performance ni Fajardo na gumawa ng 21 puntos at 22 rebounds.

Nagparada rin ng bagong import ang Beermen sa katauhan ni dating Rain or Shine reinforcement Arizona Reid.

Read more...