Sa mismong kolum na ito, nu’ng nakaraang linggo pa, ay sinulat na naming tuloy na tuloy ang salpukang Manny Pacquiao-Floyd Mayweather, Jr. sa May 2 sa Las Vegas.
Habang deny nang deny ang magkabilang kampo tungkol sa nakatakda nilang laban ay nakatanggap naman kami ng impormasyon mula sa aming kaibigang matagal nang naninirahan sa Amerika na kumpirmado na ang engkuwentro sa ring nina Pacman at Boy Daldal.
Ang kanyang kuwento, nu’n pa lang ay nakikipagtransaksiyon na ang produksiyon ni Bob Arum, ang kanilang promoter, tungkol sa presyo ng ads para sa pinakahihintay na laban nina Pacman at Mayweather.
Tuloy na tuloy na ang upakan, pagdidiin pa ng aming kaibigan, dahil presyuhan na ng ads ang pinag-uusapan du’n. At heto na nga, nu’ng isang araw ay kinumpirma na nina Pacman at Mayweather ang kanilang pagtutunggali sa lona sa MGM Grand Hotel sa Las Vegas sa darating na May 2, wala nang urungan ito.
Ngayon pa lang ay siguradong pag-iipunan na ng mga hibang sa boxing ang masorpresa nilang laban. Napakatagal na panahon nang pinaplano ang kanilang laban pero maraming kaartehan si Mayweather, marami itong hinihingi, kaya pati si Pacman ay naiinis na rin.
Pagyayabang pa ni Mayweather ay nakatakda na raw ang pagpapatumba nito sa ikaapatnapu’t walong boksingerong makakatunggali sa gitna ng lona, asang-asa ang madaldal na boksingero na basta-basta na lang nito mapatutumba ang Pambansang Kamao, pero maganda ang pagtanggap ni Pacman sa pagkahambog nito.
“The Lord will deliver him into my hands,” simpleng sabi lang ni Pacman, sabay ngiti.