Angelica sa mga nanonood ng pirated DVD: Respeto naman, pare-pareho tayong Pilipino!

angelica panganiban
Uminit ang ulo ni Angelica Panganiban nang malaman niyang may mga nakapanood ng pelikula niyang “That Thing Called Tadhana” sa pamamagitan ng mga pirated DVD at ilegal na pagda-download sa internet.

At mas lalo pang nairita ang Kapamilya actress nang i-tag pa siya ng ilang followers ng mga screen shots ng ilang eksena nila ni JM de Guzman sa movie.

“Alam ba nilang iligal ‘yung ginagawa nila?” ang reaksiyon ni Angelica nang makita ang screenshots ng pirated copy ng nasabing pelikula.

“Agh!!! D ko gets ‘yung nanonood ng pirated tapos t-tag pa ko. Alam ba nilang iligal ‘yung ginagawa nila? Gusto kaya nila wala ng gawing pelikula ang mga artista? Dahil mawawalan na kami ng trabaho sa pag suporta nila sa piracy.

“Kahit kailan d nyo na makikita sa pelikula ang mga idols nyo.. 🙁 mga kinakikiligan nyo? Kasi wala kayong respeto sa trabaho nila. “Respeto lang po sana. Pare parehas tayong pilipino.

Pero naghahatakan tayo pababa.. Nakakalungkot to.. Grabe!” ang sunud-sunod na mensahe ni Angelica sa kanyang followers.
Pero sa bandang huli ng kanyang message, tila kumambiyo ang aktres sa ginawa niyang pagtataray.

Ginaya pa nito ang style ng karakter niya sa movie na si Mace, “O sya. Magsi tulog na tayo. At panibagong araw na ulit bukas. Kagaya ni mace, nag move on. Yun na lang gawin natin?”

In fairness, tama naman si Angelica, pinapatay ng mga pirata at ng mga ilegal na pagda-download ng mga Pinoy movies sa internet ang industriya ng pelikula.

Read more...