Hindi na pala inaasahan ng mga tagapamuno ng Gawad Tanglaw ang pagdating ni Nora Aunor na tinanghal na pinakamahusay na aktres para sa pelikulang Dementia.
‘Yun pala ang dahilan kung bakit meron nang tumanggap ng kanyang award sa mga unang bahagi ng programa. Pero biglang dumating ang Superstar, nagkagulatan ang mga nandu’n, dahil ang alam ng mga ito ay hindi na siya darating.
Ang unang ibinigay na dahilan ng kampo ni Nora ay masyado raw mabilisan ang imbitasyon, hindi raw puwede sa aktres ang mga ora-oradang pasabi, isang malaking kalokohan dahil Disyembre pa lang nu’ng nakaraang taon ay inilabas na ng pamunuan ng Gawad Tanglaw ang mga katangi-tanging personalidad at proyektong pararangalan nila.
Meron ding ibinigay na dahilan ang kampo ng Superstar na hindi siya makadadalo dahil nagdedelikado ang kanyang buhay. Meron daw nagtatangkang pumatay sa kanya, kundi man ipapapapatay siya, kaya dobleng pag-iingat ang ginagawa niya ngayon para sa kanyang seguridad.
Pero dumating si Nora Aunor sa Gawad Tanglaw, umakyat siya sa entablado para pasalamatan ang mga akademisyan na bumubuo sa organisasyong nagbibigay ng mga parangal, matagal pa nga siyang nagsalita sa entablado.
Sayang daw dahil wala siyang boses, kakantahan daw sana niya ang mga nandu’n kung kaya pa niyang kumanta, ayon sa Superstar.