Pisikal na laro hindi ininda ng Hapee

NAIPAKITA uli ng Hapee Fresh Fighters ang kalidad ng koponan nang angkinin ang 2015 PBA D-League Aspirants’ Cup title sa 2-0 sweep laban sa Cagayan Rising Suns sa kanilang best-of-three championship series.

Naging pisikal ang labanan lalo na sa Game Two na kung saan si Bobby Ray Parks Jr. ang dumanas ng dislocated right shoulder matapos lamang ang dalawa’t-kalahating minuto ng unang yugto at namahinga na.

Pero sa halip na makipagbalyahan, itinuon pa ng Hapee ang isipan sa dapat na gawin sa loob ng court upang makuha ang 93-91 overtime panalo noong Huwebes.

“We’re out to play but not to hurt other players. Our goal is to develop basketball and the character of the players. Ito ang importante, if you want to play rugged it’s okey, but to hurt other players, bawal iyon sa amin,” wika ni Hapee team owner Dr. Cecilio Pedro.

Ito ang unang kampeonato ng koponan matapos magbakasyon sa loob ng limang taon at nagawa nila ito nang pagsamasamahin ang mga malalaking pangalan sa amateur basketball.

Bukod kay Parks ay nasa koponan din sina Garvo Lanete, Baser Amer, Ola Adeogun, Troy Rosario at NCAA MVP Earl Scottie Thompson na siyang nagbida sa huling 27 segundo sa overtime para makabangon ang Hapee mula sa 89-91 iskor.

Ipinagmalaki ni Pedro na hindi naging problema sa koponan ang paghugot sa mga ito dahil sa magandang reputasyon ng Hapee noong naglalaro pa ito sa Philippine Basketball League (PBL).

“Nagustuhan ng mga players na sumali because of our good record in the past. Maganda rin ang sistema and the intention is to develop the character of the players, to help them became better players,” paliwanag pa ni Pedro.

Sa ngayon ay nanamnamin ng koponan ang tamis ng tagumpay pero sa mga susunod na linggo ay pag-uusapan na kung paano mapapanatiling buo ang manlalaro bilang paghahanda sa posibleng paghablot ng titulo sa Foundation Cup.

Read more...