HINDI pinahintulutan ni Earl Scottie Thompson na umabot pa sa deciding Game Three ang kanilang tagisan ng Cagayan Rising Suns nang pangunahan ang tatlong dikit na defensive plays tungo sa 93-91 overtime panalo sa 2015 PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 11 puntos, limang steals at isang block si Thompson at ang dalawang steals at nag-iisang block ay ginawa niya sa huling 27 segundo sa labanan.
“Sinikap ko lang na tulungan ang team at sinuwerte naman na nagawa ko ito,” wika ni Thompson, ang NCAA MVP na limitado lamang ang oras sa Hapee na isang star-studded team.
Sinimulan ni Thompson ang pagbibida nang agawin ang inbound pass mula kay Moala Tautuaa para sa go-ahead layup (92-91). Sunod na inagawan ng manlalaro ng University of Perpetual Help ay si Alex Austria na nagresulta sa split ni Ola Adeogun para sa dalawang puntos na bentahe.
Tinapos ni Thompson ang pagpapasikat nang butatain si Don Trollano sabay tunog ng final buzzer at hudyat sa malaking selebrasyon ng mga panatiko ng Hapee sa araw na ginunita ang Chinese New Year.
“That is why Scottie is the NCAA MVP,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc. “Two quick steals down the stretch, you don’t teach that to a player.”
Nakuha ng Hapee ang kauna-unahang titulo matapos mapahinga sa loob ng limang taon kahit hindi nagamit nang husto ang season MVP na si Bobby Ray Parks Jr. na nagkaroon ng dislocated right shoulder dalawang minuto pa lamang sa laro.
Sina Garvo Lanete, Troy Rosario at Adeogun ang nagdala sa Hapee sa kanilang 22, 20 at 19 puntos at ang huling dalawang higante ay nagsanib sa 25 rebounds.
May 18 puntos si Abel Galliguez para makabawi mula sa tatlong puntos lamang na ginawa sa Game One.
Pero malambot si Tautuaa na kahit gumawa ng 13 puntos ay naisablay ang pitong sunod na free throws kasama ang isang buslo sa huling 10 segundo sa regulation para magtabla ang magkabilang koponan sa 82-all.