Tatlong araw na halos walang katulug-tulog si Senador Jinggoy Estrada, walang patlang ang pagdating ng kanyang mga mahal sa buhay, mga kapwa pulitiko, mga dating kaklase at mga tunay na kaibigan dahil sa kanyang kaarawan.
Nasa malungkot na kalagayan man siya ngayon, ang hindi paglimot sa kanya ng mga taong buung-buo pa rin ang tiwala sa kanya ay nagsisilbing inspirasyon, napakasarap nga namang namnamin ng hindi nawawalang malasakit, tiwala at pagmamahal ng mga taong kasama niya sa pagbagsak at pagbangon.
Nu’ng Martes nang gabi ang pinakahuling gabi ng kanyang selebrasyon, hindi natupad ang kanyang hiling na makapagpamisa sana siya sa San Juan para sa mga kababayan niya, kaya sa PNP Custodial Center siya binati-dinalaw ng mga nagmamahal sa kanya.
Dumating siyempre pa ang kanyang pamilya, mga kapwa pulitiko at mga kaklase mula sa high school hanggang sa kolehiyo, hindi man siya malaya ay ramdam na ramdam ang kaligayahan ni Senador Jinggoy habang sinasalubong ang kanyang mga bisita at mga nasasakupan.
Tumulong din sa pag-aasikaso sa kanyang mga bisita si Senador Bong Revilla, “Nakapambahay lang ako, hindi ako pumorma, gabi ito ng kaibigan ko,” natatawa nitong sabi.
Maraming humihiling na sana’y matapos na ang pinagdadaanan ng magkaibigan ngayon, matapos na sana ang mga pamumulitika sa bansang ito, para maipagpatuloy na ng dalawang senador ang paglilingkod sa ating mga kababayan.
Sabi nga ni Precy Ejercito na kalalabas lang sa ospital, “Napakahirap ng buhay nila ni Senator Bong dito, tag-araw na naman, para na naman silang ipiniprito sa sobrang init ng kinaroroonan nila.”