BIBIGYANG-BUHAY ng award-winning actress na si Dina Bonnevie ang mga karakter ng identical twins na sina Eunice at Febie sa family drama episode ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong Sabado.
Matapos mamuhay sa Malaysia sa loob ng maraming taon, kinailangang bumalik sa Pilipinas ni Febie para sa pagpapagamot ng kanyang colon cancer at gawin ang plano niyang muling makapiling ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang kakambal na si Eunice, isang balo, na pinakiusapan niyang bantayan ang kanyang pamilya kapag siya ay pumanaw na.
Sa pagpanaw ni Febie, sinikap ni Eunice na tuparin ang kanyang pangako sa kakambal, kabilang ang pagdamay sa asawa ng kapatid na dumanas ng labis na kalungkutan.
Anong gagawin ni Eunice sa sandaling mahulog ang loob niya sa asawa ng kanyang kakambal? Kakayanin ba niya ang panghuhusga ng mga taong nakapaligid sa kanila?
Bahagi rin ng upcoming MMK episode na ito sina Tonton Gutierrez, Dante Ponce, Neri Naig, Michelle Vito, Jenny Miller, Rochelle Barrameda, Simon Ibarra at Mccoy De Leon.
Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Raz De La Torre at sa panulat ni Rose Colindres. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, MMK, tuwing Sabado, 7:15 p.m., pagkatapos ng Home Sweetie Home sa ABS-CBN.