ISANG email mula kay Olivia ang natanggap ng Bantay OCW. Anim na taon na siyang nagtatrabaho bilang isang nurse sa Saudi Arabia. Ito ang bahagi ng kaniyang email:
“Magandang araw po, nagbakasakali lang po ako na sana’y makatulong kayo sa problema ko. Nakita ko po yong video nyo sa youtube kasama si Justice Nimfa C. Vilches. Pinag usapan nyo ang violence against women. Gusto ko po sana na matapos na ang problema ko at sana matulungan po ninyo ako.
Ako po ay taga Bohol at nagtatrabaho dito sa Saudi for 6 years na bilang isang nurse. May isang anak po ako 17 years old, at iniwanan ng asawa noong 1999. Walang suporta kaming natanggap sa loob ng 15 years dahil sumama siya sa ibang babae at may anak na rin sila 15 years old na rin po.
Hinayaan ko lang po sila at hindi na ako nag-complain. Ngunit noong taong 2010 tinawagan niya ako sa telepono at minumura, naniningil sa kinikita ko sa pag abroad at nag death threat pa na kung makita nya ako papatayin daw niya ako.
Kaya po noong 2011 sa pagbakasyon ko, nagpasya na akong mag demanda para sa annulment namin. Pero hangang ngayon wala pang nangyayari sa kaso ko laban sa kanya, tuwing magfa-follow up ako sa abogado, sagot lang sa akin, hindi daw nila ma-trace ang address kaya hindi naka-sign ang asawa ko sa ipinadadala ng court.
Binigyan ko ng bagong address ang abogado at natanggap na ng mister ko pero hndi naman siya nag-appear sa korte. Nang pina follow ko naman ang abogado noong March 2014, iyon pa rin po ang rason niya. Pareho pa rin ng dati, wala daw sa address na iyon ang mister ko.
Pero ginugulo niya ako at patuloy na sinisingil sa nagastos ko daw sa pag abroad ko noong 1999 at may 5% interest daw po iyon ngayon. Ang kapatid kasi niya ang nagbigay ng pinang-placement fee ko noong unang alis ko at nag promise naman ako na saka na magbayad pagkatapos kong makapasa ng board exam ko sa nursing.
Nagkaroon po kami ulit ng contact nang kapatid niya noong nauso na ang Facebook. Hangang ngayon hindi ako tinitigilan ng mister ko at ng sister in law ko sa paniningil ng utang ko at paulit-ullit na sinasabing with 5 % interest daw po iyon.
Nurse din sa America ang hipag ko. Gusto ko pong malaman Mam kung puwede ba ako maka hingi ng tulong kahit recommendation lang saan ako puwedeng pumunta at makahingi ng tulong sa Visayas region particular sa Cebu.
Nag dududa po kasi ako baka binayaran nila ang abogado ko kaya walang nangyayari sa kasong isinampa ko. Salamat po at sana mapansin ninyo itong sulat ko”.
Nakalulungkot namang makatanggap ng ganitong email mula sa ating kabayang pakiramdam niya’y agrabyadong-agrabyado na nga siya, at ngayon gigipitin pang pagbayarin sa kaniyang nautang.
Gayong tama lamang na bayaran ang pagkakautang, dahil hindi naman bigay iyon. Ngunit ikonsidera din natin ang kalagayan: 15 taon siyang iniwan ng mister at nagkapamilya na ng iba ang lalaki. Nagsawalang kibo na lamang si misis at din a rin naningil ng obligasyon dapat ng mister sa kanilang anak.
Ngunit kung magkukuwentahan, gayong hindi natin alam ang eksaktong amount ng pagkakautang, baka naman mas malaki pa ang halaga ng dapat singilin ni misis para sa suportang dapat ay ibinigay ni mister para sa kanilang anak.
Malibang may kasulatang pinirmahan ang magkabilang panig, hindi rin makatuwiran na basta na lamang magpapataw ng interes si mister nang gusto niya. At ayon sa financial adviser ng Bantay OCW, labis-labis ‘anya ang 3% na interes. Hindi pinapayagan iyon.
Kung abogado lang naman ang kailangan ni Olivia handa namin siyang tulungan upang maalalayan sa mga kasong legal na isinampa laban kay mister at maging sa iba pang mga legal na usapin.