HINDI maitatanggi na hanggang ngayon ay marami pa rin ang masama ang loob kay Pangulong Aquino dahil hindi niya sinalubong ang mga nasawing miyembro ng Special Action Force.
Merong mga tao na siya naman ang sinisisi sa pagkamatay ng 44 SAF members sa kamay ng mga rebeldeng Muslim sa Mamasapano, Maguindanao noong isang buwan.
Kaya nagtatanong ang marami, nabawasan ba ang Aquino magic na inaasahan ng kanyang mga kaalyado ngayong nalalapit na ang 2016 elections?
Bago ang Mamasapano incident o ang tinatawag ng iba na Maguindanao massacre 2, tumaas ang rating ni Aquino at bumaba naman si Vice President Jejomar Binay.
Kaya ang tingin noon ay magtutuluy-tuloy na ang pagbaba ng rating ni Binay na nauna nang nagdeklara na tatakbo sa pagkapangulo. Habang ang iba naman ay nakaabang sa basbas ni Aquino na siyang pinaniniwalaang magiging susi para manalo sa presidential elections.
Pero mukhang nag-iba ang sitwasyon matapos ang pagkamatay ng 44 SAF commandos kahit napatay rin sa nasabing operasyon ang international terrorist na si Marwan.
Nananahimik si Binay ngayon matapos na matabunan ang mga isyu laban sa kanya, at ito namang si Aquino ang pinuputakte araw-araw dahil sa isyu ng Mamasapano incident.
Marami ang nag-aabang sa survey sa Marso.
Nais nilang malaman kung ano ang epekto ng Mamasapano incident sa rating ni Aquino at kung bumaba pa si Binay.
Nais na malaman kung meron pang halaga o kung meron man ay gaano pa kahalaga ang basbas ni Aquino sa kandidato na tatakbo sa presidential election sa susunod na taon.
Ano kaya ang magiging reaksyon ng mga botante kung si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang basbasan ni Aquino?
Hindi alam ni Roxas ang operasyon kaya mahirap siguro na gamitin laban sa kanya ang isyu.
Kung merong masama ang loob kay Aquino, mukhang hindi kasama riyan ang mga Muslim.
Matapos ang “trahedya” ay hindi binitiwan ni Aquino ang Bangsamoro Basic Law na isinusulong ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kaya naman mukhang nasa likod pa ni Aquino ang mga Muslim na nagnanais na matuloy ng BBL (hindi kasi lahat ng Muslim ay gusto nito).
Kung hindi man matapos ang BBL sa administrasyon ni Aquino, maaaring umasa ang mga pabor dito na itutuloy ito ng babasbasan ni PNoy. Kaya naman maaaring sabihin na susuportahan nila ang mamanukin ni Aquino sa halalan.
Pero sino ba namang pulitiko ang magsasabi na ayaw nila sa kapayapaan?
Mukhang walang gagaya kay Manila Mayor Joseph Estrada na nagdeklara ng all out war laban sa mga rebeldeng Muslim noong siya pa ang nasa Malacanang.
Sana ay matuloy na ang Manny Pacquiao-Floyd Mayweather fight para magbago naman ang ihip ng hangin sa bansa.
Ang aabangan ay kung sino sa kanilang dalawa ang babagsak. Kung sino sa kanila ang mas matibay at kung sino ang magreretiro.
Para sa komento i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.