KUNG hindi magiging maingat ang gobyerno sa paghawak ng problemang dulot ng Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 Special Action Force commandos, malamang na mabigo ang usapang pangkapayapaan at magresulta sa all-out war sa Mindanao.
Maliban sa iilang mga utak-pulbara, higit na maraming Pilipino ang nais na matuloy ang usapang pangkapayapaan. Walang matinong pag-iisip ang gugustuhin na magkaroon ng gera na tanging ang idudulot ay kahirapan, kapighatian at kamatayan.
Maisasakatuparan ang mithiing matuloy ang usapang pangkapayapaan kung ang lahat ng mamamayang Pilipino ay magiging bukas ang isipan at uunawain ang nangyaring trahedya sa Mamasapano, Maguindano.
Ang pagiging mapanuri ang siyang magbibigay ng kaliwanagan sa pag-iisip ng bawat isa para maging wasto ang gagawing paghuhusga sa nasabing madugong insidente.
Pero sa itinatakbo ng mga pangyayari at habang tumatagal, kalituhan at galit ang kasalukuyang nangingibabaw sa karamihan at maging sa mga naiwan ng SAF44.
Ang kaliwa’t kanang imbestigasyon, sa halip na makatulong ay lalu lamang nag-iiwan ng maraming tanong. Hindi pa man natatapos ang imbestigasyon, mabilis na ipinahayag ng Kamara ang indefinite suspension sa pagdinig sa Bangsamoro Basic Law o BBL.
At ganoon din sa Senado, kahit na walang matibay na dahilan, ilang senador din ang dali-daling umatras sa kanilang suporta sa isinusulong na BBL.
Hindi nakatutulong ang ganitong ginagawa ng mga mambabatas. Tulad din ng iresponsableng mga pahayag ng ilang senador at kongresista, maituturing na sulsol o gatong ang mga ito para sumiklab ang kinatatakutang digmaan sa Mindanao.
Hindi lang hustisya ang kailangang makamit ng bawat bikitima ng madugong trahedya kundi responsiblidad din ng mga mambabatas na pigilin sa anumang paraan para hindi matuloy ang gera sa Mindanao.
Ang matino at responsableng mambabatas ay kailangang paghilumin ang sugat na iniwan sa pamilya ng mga nasawi sa kabilang panig.
Hindi dapat malimutan na may mga inosenteng sibilyang Muslim ang napatay sa nangyaring madugong engkwentro bukod din ang mga napatay sa hanay ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Sa ngayon, marami pa ring mga pamilyang hindi nakababalik sa kanilang mga lupang sinasaka sa takot na magkaroon muli ng putukan sa magkabilang puwersa.
Maituturing na isang bulkang nag-aalburuto ang Mindanao dulot ng insidente sa Mamasapapo, Maguindano. Kaya higit na dapat na pag-ingatan ng mga lider ng gobyerno ang sitwasyong ito at piliting magtuloy-tuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Malupit ang digmaan at walang gustong matuloy ito. Kailangang pagtulong-tulungan ng bawat mamamayan na malutas ang insidente sa Mamasaspano at maipagpatuloy ang peace talks para sa matagalang katahimikan.
Walang magiging biktima ang digmaan kundi ang mga inosenteng sibilyan. Huwag sanang padadala ang sambayanan sa mga sulsol ng ilang pulitiko na ang tanging layunin ay maiangat ang kanilang interes lalu na ngayong nalalapit na naman ang eleksyon.