Nang makapanayam namin sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa presscon ng post-Valentine offering ng Star Cinema, ang “Crazy Beautiful You” showing on Feb. 25, confident naman ang mga bagets na susuportahan din ng publiko ang kanilang bagong proyekto.
Ang sabi kasi namin, yung tandem nila ang inaasahang makapagpapabalik ng P100 million average mark sa isang Star Cinema movie in terms of box-office gross, at very positive naman ang magka-loveteam na hindi sila pababayaan ng milyun-milyon nilang KathNiel fans.
Bukod kasi sa ibang-iba ang mga roles nila sa pelikulang idinirek ni Mae Cruz, magpipiyesta rin daw ang mata ng mga manonood sa ganda ng mga lugar na pinagsyutingan nila, partikular na sa Mt. Pinatubo sa Zambales.
Kung naging monster hit nga ang Mayon Volcano-backdrop ng love story nila sa “She’s Dating A Gangster”, siguradong mag-eenjoy din sila sa “Crazy Beautiful You”.
“Una po, we’re getting more mature at mas close pa kami ngayon kaya gamay na gamay na namin ang isa’t isa at masaya pang katrabaho sina direk Mae,” sey ni Katryn.
Segue naman ni Daniel, “At mas masaya kaming magkasama. Mas malalim, mararamdaman nila ‘yan sa mga eksena namin.”
Sa “Crazy Beautiful You” ay makaka-triangle nila si Iñigo Pascual na umaming kilig na kilig din sa tambalang KathNiel.
Makakasama rin dito sina Lorna Tolentino at Gabby Concepcion na nagpatunay din kung gaano kasikat ngayon sina Kath at DJ. Samantala, inamin ni Kathryn na hindi pa rin sila pinapayagang mag-date ni Daniel nang sila lang, palagi silang may kasamang chaperone kapag lumalabas o gumigimik.
“Usually, kung hindi man siya kasama (si mommy), merong isang nagbabantay sa akin. Parang chaperone, ganu’n,” sey ng Teen Queen.