Masayang-masaya ngayon si Arjo Atayde dahil halos lahat ng mga idolo niyang artista ay nakakatrabaho na niya tulad ni Joel Torre na makakasama niya sa bagong teleserye nina James Reid at Nadine Lustre, ang On The Wings of Love mula sa Dreamscape Entertainment.
Ayon sa aktor, natupad na ang pangarap niyang makasama ang dalawa sa mga hinahangaan niyang character actor, si Nonie Buencamino sa Dugong Buhay at si Pen Medina sa E-Boy.
“Unti-unti nang natutupad ang dream ko tita na makasama po ang mga idol ko in terms of acting, I really look up to them, like sir Nonie, sir Pen, tapos ngayon sa On the Wings of Love, si sir Joel Torre, sobrang nai-inspire ako sa kanila.
“Gusto kong tumagal po sa industriya tulad nila na kita mo naman, hindi pa rin sila kumukupas. Looking forward to work with the greaterst sir Eddie Garcia, grabe saludo talaga ako sa kanya.
“Kaya sobrang excited po ako sa new project ko with Dreamscape, kay sir Deo (Endrinal), promise ko talaga I will give my best,” sabi ni Arjo.
Kilala sa heavy drama si Arjo tulad ng kanyang inang si Sylvia Sanchez, pero dito sa On the Wings of Love ay hindi raw ganu’n kabigat ang role ng binata, “Very light lang po, tita, naiiba naman sa past projects ko,” kuwento ng aktor.
Bukod sa On the Wings of Love, kasama rin si Arjo sa Remote Control ni Eric episode ng Wansapanataym kasama si Harvey Bautista, anak nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Tates Gana na napapanood din sa Goin’ Bulilit.
Samantala, nananatili pa ring loveless si Arjo kaya ang buong pamilya niya ang kasama niya noong Valentine’s Day sa bahay nila sa Punta Fuego.