Mr. President, umamin ka na

NAGKAKABUHUL-buhol na ang kwento ng mga security officials at Cabinet members sa kung ano ba talaga ang nangyari sa Mamasapano incident noong Enero 25.
Tatlong tanong ang hindi masagot sa mga imbestigasyon.
Una, si PNoy ba ang over-all commander ng nagaganap ang paglusob ng PNP-SAF sa kampo ni Marwan? Ikalawa, totoo ba ang sinasabing “best effort” sa rescue operations na iniutos daw ni PNoy kay AFP Gen. Rustico Guerrero sa mga napapaligiran at napatay na mga PNP-SAF? Ikatlo, ano ang involvement ng US sa operasyon sa harap ng mga balitang may “drones” bago at noong mismong araw ng paglusob, at kung bakit naibigay kaagad sa FBI ang hintuturo ni Marwan sa halip na sa PNP-Crime Laboratory ito mapunta.
Dahil di masagot ang mga tanong na ito, mahirap tanggapin na tanging si dating PNP-SAF commander Gen. Getulio Napeñas lamang ang may responsibilidad at pagkakamali sa operasyon.
Halatang halata ang takipan ng mga opisyal ng AFP, sa pangunguna ng pinuno nito na si Gen. Gregorio Catapang at ni Defense Secretary Voltaire Gazmin. Kahit sina Interior Sec. Mar Roxas at PNP OIC Gen. Leonardo Espina, ay todo iwas din kapag tinatanong sa tatlong kwestyong ito. Laging sinasabi na di sina nasabihan sa operasyon. Pero sigurado akong alam din nila ang buong pangyayari. Yun nga lang ayaw magsalita.
Maging ang mga nag-iimbestigang senador at mga kongresista ay halatang halata na umiiwas itanong ang mga nasabing tanong at panay ang depensa kay PNoy.

Lahat ay pumupustura at nagpapapogi sa Aquino administration. Alam naman natin ang kanilang motibo: Dagdag na pondo lalo’t malapit na ang eleksyon.
vvv
Nananawagan ang Palasyo na huwag munang maghusga at hintayin na lang munang matapos ang imbestigasyon ng PNP Board of Inquiry, at nang iba’t ibang grupo gaya ng DOJ fact finding panel, International Monitoring Committee, at ng Commission on Human Rights.
Magkaroon kaya sila ng sagot sa tatlong malaking kwestyon: “Kung sino ang naging over-all commander, nag-utos ng “best effort rescue” at sa lantad na pangingialam ng US forces sa Mamasapano incident?
Hindi!
Ang kailangan talaga dito ay isang “independent, independent, independent” fact finding commission na isasabatas ng Aquino administration gaya ng Agrava Fact Finding na nag-imbestiga noon sa kamatayan ni Sen. Ninoy Aquino. Papayag naman kaya si PNoy rito?
vvv
Kahit si dating Pangulong Fidel V. Ramos, na siyang nagtatag ng PNP-SAF ay naghamon na kay Gen. Napeñas na huwag siyang pumayag na maging “scapegoat” o taong masisisi sa isyung ito. At dahil walang alam dito sina Gen. Espina at si DILG Sec. Roxas samantalang suspindido naman si Gen. Purisima, wala nang natitirang may responsibilidad at nalalaman sa Mamasapano raid kundi si PNoy.
Tatlong linggo matapos ang Mamasapano incident, bibihirang magkaroon ng public appearance itong si PNoy. Umiiwas ba siya?
Kailangan at mas makabubuting sagutin niya agad-agad ng makatotohanan, walang pagsisinungaling at deretsahan ang tatlong tanong ng taumbayan.
Kung kailangang mag-sorry siya sa taumbayan at sa SAF44 at sa kani-kanilang pamilya, gawin na niya. Gawin mo na, Mr. President. Umamin ka na!

(Editor: Para sa komento i-text PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606)

Read more...