Matindi ang kailangang panagutan ni Jacob Fernandez, producer ni Ai Ai delas Alas sa nakansela niyang concert, dahil kinakalampag na ngayon ng ating mga kababayan ang opisina nito para sa refund ng mga nabili nilang tickets sa konsiyerto dapat ng Comedy Concert Queen nu’ng February 12 sa Solaire Casino.
Sirang-sira na ang pangalan ng taong ito sa concert scene, hindi nito naisip na napakaliit lang ng mundo ng musika, sa isang iglap lang ay kakalat agad ang kahit anong klase ng kabulastugan ng kahit sinong mang-iisa sa performer.
Kakalat na parang apoy sa isang iglap lang ang kuwento, iiwasan na ito ng kahit sinong singer-manager, bakit pa nga naman sila magtitiwala sa isang prodyuser na nagpapanggap lang na may puhunan pero wala naman pala?
Malaking kahihiyan para kay Ai Ai ang naganap, marami ngang nag-uudyok sa kanya na kasuhan sina Jacob Fernandez at Faith Cuneta, pinag-aaralan na ngayon ng kanyang mga abogado ang nasabing aksiyon.
Imagine nga naman, naturingang Comedy Concert Queen si Ai Ai, pero siya pa ang walang show nu’ng nakaraang Valentine’s Day? “Ang daming offers sa akin, pero mas binigyan ko ng pagpapahalaga si Jacob, kasi nga, nu’ng very first concert ko sa Folk Arts Theatre, e, bumakas siya bilang co-producer dahil may isang bumak-out.
“Ganu’n lang naman ang buhay, bigayan at tulungan lang, pero hindi ko naman kasi alam na maraming financial problem ang taong ‘yun! Wala akong kaalam-alam na handa ako nang handa, matindi ang preparation ko for the show, pero hindi pa pala bayad ang mga gagamitin namin sa show.
“Kinabukasan na ang show namin, pero hindi pa pala bayad ang banda, ang technical rider, ang venue, paano naman ‘yun?
“Sinalo ko na nga ang talent fee ng mga guests dahil nag-backout si Richard Yap, pero wala pa pala siyang nababayarang kahit sino sa production?
“Kung sasaluhin ko pa uli ang mga kalokohan niya, e, parang tino-tolerate ko na rin siya, ayoko na ng ganu’n, kaya kinansel na lang namin ang show,” napapailing na lang na kuwento ni Ai Ai delas Alas.