HINDI makakapag-celebrate ng Valentine’s day ang magdyowang Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli.
Ito ang kinumpirma ng Pop Princess nang makorner siya ng entertainment media sa presscon na ibinigay sa kanya ng SanSan Cosmetics bilang bago nilang celebrity endorser.
“Wala naman pong plano kasi pareho kami yatang may trabaho sa Valentine’s Day. May live (show) po for The Voice. Wala, hindi kami magkasama sa Valentine’s,” chika ni Sarah. Dagdag pa niya, “Sa 13 ay may trabaho po. As in every day po halos ang trabaho, so singit-singit lang ng oras minsan.”
Medyo iwas pa rin si Sarah na pag-usapan ang relasyon nila ni Matteo, sa katunayan, pagkatapos ng nasabing presscon, ilang minuto lang ang ibinigay sa mga reporter para makausap si Sarah tungkol sa iba pang isyu sa kanyang personal na buhay.
Pero aniya, last year daw aynakapag-celebrate na sila ni Matteo ng Valentine’s day pero hindi raw eksaktong Feb. 14.
Nang matanong naman kung may Valentine gift na sila para sa isa’t isa, tugon ni Sarah, “Ang Valentine gift lang na importante ay pagmamahal at pag-iintindi.”
Napag-uusapan na rin daw nila ni Matteo ang pagpapakasal, pero hindi pa naman daw ganu’n kaseryoso, “Siyempre napag-uusapan po, pero alam naman po naming pareho na madami kaming dapat ayusin sa sarili namin.”
Feeling ba niya si Matteo na ang “the one”, “Masyadong maaga para diyan, madami pa kaming dapat pagdaanan.”
Samantala, masaya ring ibinalita ng Pop Princess na tuloy na uli ang gagawin nilang movie ni Piolo Pascual matapos mabalitang, “Tuloy ‘yung Piolo po, baka po magsimula yung shooting namin after The Voice.”
Umaasa rin si Sarah na matuloy ang proyektong pagsasamahan nila ng Asian superstar na si Lee Min Ho, “Hindi pa kasi kami nag-uusap ni boss Vic (del Rosario, her manager) about it pero sana.”
In fairness, ang ganda-ganda ngayon ni Sarah, as in blooming ang dyowa ni Matteo. At yan ang dahilan kung bakit siya ang napili ng mga taga-San San Cosmetics na maging endorser nila for this year.
Bilang bagong endorser ng San San Cosmetics, mas gusto ni Sarah na i-highlight ang kanyang natural features. Ang casual pero fresh look ang peg niya na isa raw sa mga paraan para magpakatotoo siya.
“On cam, I’m always glammed up. So when I’m on break from work, I go for an all-natural simple look because that’s who I really am. When you’re true to yourself, you become more confident and that confidence makes you beautiful,” anang dalaga.
Proud rin si Sarah sa kanyang adbokasya na dapat tangkilikin ng mga babae ang natural na kagandahan. Dagdag rin niya na ibinigay ng San San Cosmetics ng HBC ang umano’y best of both worlds – ang healthy, simple, beautiful look every day.
“Masaya ako na kabilang na ako ngayon sa San San Cosmetics family dahil parehas kami ng advocacy na kailangang i-encourage ang mga kababaihan na mahalin ang kanilang natural na angking ganda. It is beautiful to be simple,” sabi ni Sarah.