Laro Ngayon
(The Arena)
3 p.m. Cagayan Rising vs Cebuana Lhuillier
MAGKUKRUS ang landas sa huling pagkakataon ng Cagayan Valley at Cebuana Lhuillier para malaman kung sino ang ikalawa at huling koponan na aabante sa championship sa pagtatapos ng 2015 PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang sudden-death na ito ay nangyari matapos angkinin ng Rising Suns ang 98-93 panalo sa Gems noong Lunes upang mauwi sa 1-1 ang kanilang best-of-three series.
Sa ganap na alas-3 ng hapon matutunghayan ang laban at asahan na magiging mainitan ang labanan dahil sa kahalagahan ng resulta nito.
Ang Hapee Fresh Fighters ay nasa Finals na matapos walisin ang Café France at ang mananalo ang siyang magkakaroon ng oportunidad na mapalaban sa kampeonato.
Nanumbalik ang dominanteng paglalaro ng number one rookie pick na si 6-foot-7 Moala Tautuaa sa Game Two nang naghatid ito ng 26 puntos at 13 rebounds.
Pero hindi niya sinolo ang trabaho dahil gumana rin ang mga kamay ni Abel Galliguez na tumapos taglay ang 16 puntos matapos mabokya sa Game One.
Si Michael Mabulac ay may 16 puntos pa at nakatuwang si Tautuaa sa rebounding na kanilang dinomina, 48-39.
“Mas malakas sa amin ang Cebuana dahil si Tautuaa lang ang big man namin na athletic. Kailangan namin na magdominate siya. Kailangang ma-dominate ang rebounding,” wika ni Cagayan coach Alvin Pua na hanap ang ikalawang pagtapak sa Finals.
Noong 2012 sa conference na ito ay umabante na rin ang Cagayan sa Finals pero natalo sa NLEX Road Warriors.
Balak din ng Gems na makatungtong sa championship round sa ikalawang pagkakataon pero dapat na lumabas uli ang bangis ng kanilang mga guwardiya at maposasan uli si Tautuaa para tumibay ang tsansang manalo.