NGAYONG umaga, haharap si resigned PNP Director General Alan Purisima sa Senate investigation sa Mamasapano massacre.
Hinihintay ng taumbayan ang paliwanag ni Purisima sa Operation Exodus kung saan pinasok noong Enero 25 ng PNP-SAF 84th company ang kampo nina Marwan at Basit Usman sa Barangay Pidsandawan at nagsilbing “blocking force” naman ang PNP-SAF 55TH company na napatay lahat sa Barangay Tukanalipao.
Sa kanya ba nag-rereport si SAF commander Gen. Getulio Napeñas, o kay Executive Sec. Paquito Ochoa o kay PNoy?
Naghihintay din tayo ng paliwanag kung bakit ang mga Amerikano ay kumpirmadong nanood sa “live action” o bakbakan sa pamamagitan ng pinalipad nilang “drone” mula sa kanilang headquarters sa Vista del Mar resort sa Zamboanga City.
Isang miyembro ng PNP-SAF assault team ay merong higit 2-minute video sa kanyang cellphone na magsisilbing patunay na malaki ang kinalaman ng Amerika sa nasabing insidente. Ang video ay nakunan alas otso ng umaga kung saan buhay pa ang mga pulis at nakikipagbakbakan. Ito ang magsisilbing ebidensya na ang PNP-SAF assault team ay merong “real time intelligence” galing sa mga Amerikano nang lusubin nila si Marwan.
Hanggang ngayon, ang tanging naririnig lang natin sa Palasyo at sa mga alipores nito ay wala silang kinalaman dito.
Apat na tanong lang ang nais natin ng katugunan.
Una, bakit nasa Zamboanga City si PNoy noong panahon na may “live video” ng bakbakan sa Mamasapano hatid ng US drone facility?
Pangalawa, sino ang over-all commander sa pinagsanib na operasyon ng PNP-SAF at mga Amerikano?
Pangatlo, bakit itinaon sa Jan.25, birthday ng kanyang ina ang naturang pagsalakay?
At pang-apat, paghahanda ba ito sakaling maging tagumpay ang pag-neutralize kay Marwan at Usman?
Maging ang US Embassy ay wala ring paliwanag, maliban sa nakitang USAID helicopter sa Shariff Aguak provincial command na nagsakay ng mga sugatang PNP-SAF patungo sa ospital sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat doon din sa Maguindanao.
At ang ating tanong: Totoo bang ang mga Amerikano ay nakatutok lamang sa 84th PNP-SAF company na pumasok sa kampo ni
Marwan dahil dala nila ang DNA sample ni Marwan? At nakalimutan nila ang 55th PNP-SAF company na nagsilbing blocking force at napatay lahat ng MILF-BIFF? Bakit hindi nila ibinigay ang coordinates ng “blocking force” sa AFP para matulungan ng air support?
At nasaan ng mga panahong iyon si Purisima? Nandoon din ba siya sa Zamboanga City?
“Binigay ko ang intelligence, pero hindi ako ang in command,” sabi niya.
Kung ganoon, Gen. Purisima, saan galing ang “intelligence” mo? Sa drone ba ng mga Amerikano?
Kung aminado siya na galing sa kanya ang intelligence, imposibleng wala siyang koneksyon sa partisipasyon ng Amerika dito.
Sabi ni SAF commander Gen. Napeñas, merong “actionable intelligence” silang natanggap noon pero sinabihan siya ni Purisima na huwag sabihin ang nasabing operasyon kay PNP OIC Deputy Director Gen. Leonardo Espina.
Kung susuriin, masyadong malalim ang mga pangyayari sa likod ng Mamasapano massacre. May mga tanong na umiikot kina PNoy, Purisima, Napenas, AFP at maging US military.
Matapos magsalita muli sa harap ng bayan si PNoy nitong Biyernes, nadidiin ngayon ay itong si Napeñas. Isyu ng “koordinasyon” ang ibinabato sa kanya. Pero maniniwala ba ang taumbayan na walang nag-uutos sa kanya nang lusubin niya ang kampo ni Marwan?
Ang pagbibitiw ba ni Purisima at ang pag-ako sa responsibilidad ni Napeñas ay sapat na para maisara ang isyu ng mga napatay na 44 miyembro ng SAF?
Inaaasahan na ngayong umaga ay magsasabi ng totoo si Purisima bilang pagrespeto sa mga nasawing tauhan niya. Inaasahan din natin na ang mga senador ay hindi hahaluan ng pulitika ang paghahanap ng katotohanan, at hindi rin pagtatakpan si PNoy, AFP o PNP.
Hindi kayang takpan ng imbestigasyong ito ang uhaw ng taumbayan sa katotohanan. Ang kailangan talaga ay ang madaliang pagbuo ng independent fact finding commission sa malagim na Mamasapano massacre at katarungan para sa SAF44.