Namamayagpag si LA

FOR a while ay nagmistulang mali ang desisyon ng point guard na si LA Revilla na huwag nang maglaro sa kanyang huling season sa La Salle Green Archers at magsumite na lang ng application para mag-pro.

Puwede pa kasi si Revilla na magpatuloy bilang Green Archer. Pero naisip niyang okay na ang kanyang contribution sa La Salle at natulungan niya itong magkampeon sa 2013-14 season ng UAAP. Tinapos nila noon ang limang taong pamamayagpag ng karibal na Ateneo Blue Eagles.

At pumalaot nga siya sa PBA Rookie Draft.

Ang sisteā€™y mababang-mababa siyang napili at kinuha pa siya ng isang koponang maraming guwardiya.

Nauna kasi sa kanya ay kinuha ng Globalport sina Terrence Romeo at RR Garcia na kapwa buhat sa Far Eastern University. Huli na nang makuha si Revilla dahil ayaw namang pakawalan ng Globalport ang pagkakataong kumuha ng isang talented player.

Pero gaano man ka-talented si Revilla ay walang nangyari sa kanyang rookie year. Bangko pa rin siyang maituturing.

Inilaglag siya ng Globalport sa unprotected list upang pagpilian ng expansion teams Kia at Blackwater. Kinuha siya ng Kia.

At ngayon ay napapansin na ng lahat ang kanyang kakayahan.

Dalawang panalo pa lang ang nitatala ng Kia sa 15 games na nalalaro sa unang season bilang miyembro ng PBA.

Tinalo nila ang Blackwater noong Oktubre 19 na siyang opening game. At noong Miyerkules ay nairehistro nila ang pinakamalaking upset ng season nang talunin nila ang San Miguel Beer, 88-78.

Hindi ganoong kadali ang panalong ito ha.

Kasi nag-foul out na ang 7-foot-3 import ng Kia Carnival na si Peter John Ramos may 4:37 pa ang nalalabi sa laro. At sa puntong iyon ay animo raragasang pabalik na ang San Miguel Beer buhat sa 16 puntos na kalamangan ng Kia Carnival.

Napababa kasi ng reigning Philippine Cup champions ang abante ng Kia sa dalawang puntos. Sa puntong iyon, marami ang nag-akalang bibigay na ang Carnival at didiretso sa panalo ang Beermen.

Pero hindi ganoon ang nangyari.
Naipakita ng locals na kaya nilang buhatin ang Kia kahit wala ang kanilang import.

Sa pagtutulungan nina Revilla, JR Cawaling, Mark Yee at bagong hugot na si Leo Avenido ay nagawa ng Kia na magtagumpay at hiyain ang kanilang kalaban.

Guess what?

Si Revilla ang itinanghal na Best Player of the Game.

Guess what ulit?

Ito ang ikalawang pagkakataon na si Revilla ang itinanghal na Best Player of the Game.

So, sa dalawang panalo ng KIA, si Revilla ang bida!

Paakyat na ang kanyang professional career. Hindi na siya manghihinayang sa nasayang na unang taon sa PBA.

Read more...