PUREFOODS HANGAD MAKISALO SA ITAAS

Mga Laro Ngayon
 (Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Rain or Shine vs Globalport
7 p.m. Blackwatervs Purefoods Star
Team Standings: Meralco (3-0); Barako Bull (2-0); Purefoods Star (2-0); Talk ‘N Text (2-1); Globalport (1-1); Rain or Shine (1-1); Kia Carnival (1-2); Alaska Milk (0-1); NLEX  (0-1); San Miguel Beer (0-1); Barangay Ginebra (0-2); Blackwater (0-2)

SA huling pagkakataon ay sasandig ang defending champion Purefoods Star kay Marqus Blakely sa pagtatagpo nila ng wala pang panalong Blackwater Elite sa 2015 PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon, magkikita ang Rain or Shine at Globaport na kapwa nakatuon ang pansin sa ikalawang panalo.

Ang 6-foot-5 na si Blakely, na siyang pinakamaliit sa mga imports, ay nakatulong ng malaki sa panalo ng Hotshots kontra Globalport (83-70) at Alaska Milk (108-88). Kung muli silang mananalo mamaya ay makakatabla nila sa itaas ng team standings ang Meralco.

Si Blakely, isang dating Best Import, ay pansamantalang kahalili ng 6-foot-9 na si Daniel Orton na kararating lang buhat sa Chinese Basketball League noong Lunes.

“We will give Daniel enough time to get to know the team. He will be ready next week,” ani Purefoods Star coach Tim Cone.

Malamang na maglaro si Orton sa susunod na game ng Hotshots laban sa NLEX sa Miyerkules.

Makakatapat ni Blakely ang Gilas Pilipinas center na si Marcus Douthit na humalili naman sa original import ng Blackwater na si Chris Charles na nagtamo ng hamstring injury bago nag-umpisa ang torneo.

Inaasahan ding maglalaro mamaya si Peter June Simon matapos na hindi nagamit sa unang dalawang games bunga ng back spasms. Makakatuwang ni Simon sina James Yap, Marc Pigris, Mark Barroca at Joe Devance.

Ang Blackwater ay natalo sa Barako Bull (92-70) at Talk ‘N Text (88-78).

Ang Rain or Shine ay nakabawi sa 89-86 pagkatalo sa Talk ‘N Text nang magwagi ito kontra NLEX, 96-91, noong Martes.

Sinimulan naman ng Globalport ang kampanya nito sa pamamagitan ng 100-89 panalo kontra Kia Carnival bago natalo sa Purefoods Star.

Sa import matchup ay magtatagpo sina Rick Jackson ng Elasto Painters at CJ Leslie ng Batang Pier.

Read more...