HINDI, at hinding-hindi (na), ka na mahal ng SAF, Pangulong Aquino, anak ka pa naman ng tatay at nanay mo na sina Ninoy at Cory (di bale na kung kapatid mo si Kris, eh ano ngayon). Kung di mo pa batid, hindi ka na rin mahal ng mga sundalo at pulis.
Pero, ang sabi, tapat pa raw ang mga sundalo’t pulis sa iyo. Walang ipinagkaiba iyan sa lalaking hindi na mahal ang misis niya. Tapat pa rin si lalaki kay babae dahil nakatutok ang shotgun ng mga biyenan niya sa kanya.
Mabilis maglaho ang pagmamahal kung pusakal na pabaya at nagpapahamak ang inaasahang padre de pamilya. Kasama ng mabilis na paglaho ng pagmamahal ay ang madalas na paninisi sa asawa, mga anak, at sa buong pamilya; tulad nang, ikaw naman Kori o Berna, marami ka na ring boyfriend bago ka napunta sa akin, o kahit na anong paninisi basta may isinisisi.
Ang paninisi ay maaaring tumalab sa una. Pero, kung araw-araw ay pinakakain mo ng sisi ang iyong asawa, anak at pamilya, hindi lang Boy Sisi ang tawag sa iyo; na mauuwi sa pagpapalayas sa iyo at panawagang magpatingin ka muna sa doctor, please lang.
Kung nagkawindang-windang na ang pamumuhay dahil sa iresponsableng lalaki (kung lalaki nga), hindi tinatawag ng asawa, anak at pamilya ang kinasapitan na walang “command responsibility.” Ang lalaki ay simpleng walang kakayahang mamuno dahil iresponsable nga siya; malinaw iyan at iyan ang simpleng pananaw ng arawang obrero, ng mahihirap, na may simpleng pinag-aralan pero mayaman sa karanasan sa pamumuhay pobre.
Yung ibang iresponsableng lalaki ay kinakausap niya ang kanyang asawa, anak at pamilya dahil ayaw niyang bumaba ng bahay sa kabila ng pananawa sa kanya at pagpapalayas sa kanya. Pero, hindi kumikibo ang kanyang asawa, anak at pamilya; at mas lalong hindi nakatingin sa kanya ang kanyang asawa, anak at pamilya, tulad ng ginawa ng SAF nang kausapin sa dilim ng umagang malayo pa sa pagputok ng araw.
Sa You Tube, tatlong beses na tinanong ng Mourner-in-Chief ang tropang SAF kung may nais silang sabihin o hilingin. Tatlong beses na walang sago tang mga kawal; ang iba’y nakatingin sa lupa at ang iba’y sa malayo ng karimlan sa di nagmamadaling umaga.
Karaniwan na kapag galit si babae, hindi niya kinakausap si lalaki at ganyan nga ang buhay ng mag-asawa. Ay mali, wala pa palang asawa si lalaki, ha-ha-ha.
Nawalan na rin kuno ng respeto noon ang taumbayan kay Gloria Arroyo dahil sa Hello Garci, maliban ang mga Cebuano na nagbigay ng tatlong milyon boto sa lola natin. Sa pagkamatay ng 44 na kawal ng SAF, bukod sa nawalang respeto ay malaki ang katuwiran ng taumbayan na magalit sa pangulong marami ang inilihim sa kanyang mga boss.
Ang sabi sa akin ng isang balo, na dati kong suki sa bigasan, simple lang ang matinding galit niya kina Aquino at Alan Purisima. Hindi tiniyak ng sanggang-dikit, at kambal-tuko, na makauuwi nang buhay ang kanyang mister.
Tumindi ang galit ng kanyang pamilya’t mga kamag-anak nang sa loob ng apat na araw ay naglaho si Aquino at hindi rin masagot ng mga opisyal ng SAF ang kanilang mga tanong. Marami silang tanong at isa lamang ang sagot ng mga opisyal ng SAF: hindi sila pababayaan. Ha!?
Anang balo’t pamilya, pinabayaan na nga sila sa tarmac ng Villamor Air Base. At ang masakit ay napanood nila sa TV ang pakikipagsaya’t pakikipagdiwang ni Aquino sa mga Hapon sa Santa Rosa, Laguna, habang bumabaha ang kanilang luha ng pagdadalamhati.
Sa aking 41 taon sa dyaryo, sukdulan ang paniniwala’t pananampalataya ko kay JoAl (Jose Almonte, ang ama’t utak ng Reform the AFP Movement). Pero, ni hibla ng aking ubaning balbas ay hindi ako maniniwala’t mananampalataya kay Marwan, na napatay sa kubo sa Mamasapano nang lihim na lumusob na mga SAF (Special Action Force, na itinatag ni Tabako, o Fidel Ramos).
Matagal nang sinasabi ng mga Moro (bahala kayo kung anong grupo ng Moro ang nais ninyo) na hindi nila kinakanlong si Marwan. Pero, nakatitiyak ang Estados Unidos na nasa teritoryo nga ng mga Moro si Marwan, walang sablay at sapul nga.
Ito namang si Getulio Napenas ay nangangalap pa ng utang na loob na sa pagkamatay ng 44 na kawal ng SAF ay libu-libo raw ang mabubuhay. Susme, saan mo nakuha ang ganyang kuwenta?
Hindi binomba ni Marwan ang Luzon at Visayas at maging political at military targets sa Mindanao. Totoong maraming tinuruang Moro si Marwan sa paggawa ng bomba.
At ayon sa isang Bandera reader (…3461) sa Iligan City, ginagamit ng mga gumagawa ng bomba ang kanilang kaalaman sa pangingikil sa mga negosyante at mga may-ari ng bus lines. Walang bomb scare sa Mindanao, pero marami, at karaniwan, ang bomb threat.
Kapag nakatanggap ng bomb threat ang isang negosyante, anang reader, dalawang bagay ang kanyang puwedeng gawin: magbigay ng pera o hintayin na lamang ang araw at oras na may sasabog sa kanyang negosyo.
Pera, kasakiman sa pera, ang nagpapagulo sa Mindanao. Pero, sa Metro Manila, nangangamoy pera na naman sa Senado at Kamara sa pagpipilit ng BBL sa kabila na nagkakanlong nga ng mga terorista ang gagawaran “prosesong kapayapaan” at sariling pamamahala.
Alam ng taumbayan, ang patuloy na ginagatasan ng mga opisyal na hepa, na nagkapera ang mga magnanakaw sa paglilitis kay Renato Corona at pagpasa sa RH bill. Ngayon ay mas matindi ang alingasaw ng pera, kesehudang marami pa ang mamamatay sa Mindanao ng mga Moro.
Ang dating tamad na mga pulis-Caloocan ay mas lalong tamad ngayon dahil sa sinapit ng Fallen 44 ng SAF. Inililista na lamang ang krimen sa blotter o sa tubig at wala nang follow-up.
May katuwiran ang isang nakatalaga sa Barugo station. “Depressed” daw siya at nakikidalamhati sa pinatay na mga kawal ng SAF. Tulad daw siya ni Aquino na depressed din kaya di na dumadalo sa ilang pagtitipon sa Malacanang ang pangulo.
MULA sa bayan (0906-5709843): Kay Erap, walang kuskos-balungos. Pulbusin agad ang mga Moro. …7441
Oks lang kung galit si Kris sa kanyang mga kaibigan na bumanat sa kanyang kuya. Nang dahil sa kanyang ginawa, mas lalong kakampi sa mga bumanat sa kanyang kuya at darating ang panahon ay nag-iisa na lang si Kris at wala nang manonood sa ABS. …1137
Kawawa naman si P-Noy. Hindi ka ba naaawa sa kanya, Lito Bautista? …0987
Nakalimutan na kaming mga pasahero ng MRT. Hay naku. …4563
AKO’y saleslady sa SM Manila. Mabilis na naglaho ang mga MMDA at pulis kapag ako’y lumalabas ng 11:30 p.m. Ang tingin ko tuloy sa paligid ay parating may nag-aabang na holdaper. …3290