NANAWAGAN ang ilang obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at iba pang grupo na bumaba sa puwesto si Pangulong Noy dahil sa masaker ng mga 44 na police commandos sa Maguindanao.
Sinisisi si PNoy sa top-secret operation ng Special Action Force (SAF) sa Maguindanao na hindi
ipinaalam kina Interior Secretary Mar Roxas at Deputy Director General Leonardo Espina, officer-in-charge ng Philippine National Police (PNP).
Binabatikos din ang pangulo dahil sa hindi niya pagdalo sa arrival honors para sa mga nasawing SAF troopers sa Villamor Air Base at sa halip ay dumalo sa inagurasyon ng planta ng Mitsubishi sa Laguna.
Teka, teka, mga abay! Maghunos-dili tayo.
Kung bumaba si Pangulong Noy, baka mapunta sa napaka-corrupt na liderato ang bansa.
Tandaan natin na ang papalit sa kanya kung sakaling siya’y magbitiw ay si Vice President Jojo Binay na inaakusahan ng matin-ding pagnanakaw nang siya’y mayor pa ng Makati City .
Kung totoo ang mga akusasyon kay Binay mas matindi pa siya kay Pangulong Marcos.
Noong si Marcos ay hindi pa nahahalal bilang Pangulo ng Pilipinas, hindi siya kasing-yaman ni Binay na bilyon-bilyon na raw ang ari-arian at pera sa bangko.
Of course, hindi sa pa-ngalan ng mga Binay ang mga perang nakurakot daw ni Jojo bilang mayor ng Makati.
Pero ang nagpapatotoo ng kanyang pangungulimbat ay ang kanyang dating hatchet man na si dating Makati Vice Mayor Nestor Mercado.
Gusto ba nating mapasakamay ang bansa sa pangulong nangungulimbat?
Hindi lang daw mga kawatan ang pamilya Binay, sila’y abusado pa at baka matinding pang-aabuso sa mamamayan ang gagawin ng pamilya kapag nailuklok sa Malakanyang si Jojo.
Tandaan ninyo ang nangyari sa Dasmarinas Village noong 2013 kung saan ipinaaresto ni Mayor Junjun Binay, na pumalit sa kanyang ama, ang mga guwardiya na ayaw siyang paraanin sa isang saradong gate ng village.
Tandaan din ninyo ang sinabi ni Vice President Binay sa pagtatanggol sa kanyang abusadong anak: “A little courtesy to the mayor, please!”
Baka nakalimutan na ninyo na kasama ni Mayor Binay ang kanyang kapatid na si Senadora Nancy nang ipina-aresto at pinakulong niya ang mga pobreng guwardiya.
Si dating Pangulong
Erap, na sinipa sa puwesto dahil tumanggap daw sa jueteng, ay nagmukhang pulubi kumpara kay Pangulong Gloria na pumalit sa kanya.
Vice President noon si Gloria nang magkaroon ng People Power 2 sa Edsa na nagpatalsik kay Erap.
Pero anong ginawa ng mag-asawang Gloria at Mike Arroyo? Walang habas na pagnanakaw sa kaban ng gobiyerno!
Gusto ba ninyong maulit ang nangyari sa atin noong panahon ni Gloria na pumalit kay Erap?
Kaya’t pagtiyagaan na lang natin si PNoy hanggang sa May 2016 presidential election.
Pumili tayo ng isang lider na matino, maaasahan sa pera, mapagmahal sa mga mahihirap gaya ni Davao City mayor Rody Duterte.
Kumbinsihin natin siyang tumakbo.