MATAPOS mamatayan ng 44 na tauhan, nawala si suspended PNP chief Alan Purisima.
Hindi siya lumabas sa media para magpaliwanag sa nangyari o makiramay man lamang.
At ngayon, ang naiipit ay si Pangulong Aquino.
Nang maipit si Purisima sa mga anomalya ng ‘White House’ sa Kampo Crame at Werfast Courier na nakakuha ng kontrata para sa pagpapadala ng lisensya ng baril ipinagtanggol siya ng pangulo.
Nagsalita si PNoy at ang Malacanang na may tiwala pa rin sila kay Purisima.
Syempre, wala na naman silang nagawa ng suspendihin ng Office of the Ombudsman, isang independent constitutional body, si Purisima (sobra na kung harangin pa nila ito).
Sa mga isyu na kinasangkutan ni Purisima, palagi niyang inilalagay sa balag ng alanganin ang Pangulo. Palaging ang tiwala sa kanya ang ginagamit na pansalag sa mga kontrobersya.
At sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force, ganito nanaman.
Pero mas magiging masakit hindi lamang sa pamilya, kundi maging sa nagdadalamhating publiko kug lalabas na hindi pala napatay ang international terrorist na si Marwan; na palpak ang intelligence report na naroon si Marwan at siya ang kanilang na-patay.
Papaano mo ipapaliwanag na nagbuwis ng buhay ang SAF44 para lang sa wala? Paano mo ipapaliwanag sa kanilang mga iniwan na dapat pala ay buhay pa sila kung hindi palpak ang intel report.
Habang pinapaulanan ng bala ng MILF at BIFF ang mga namatay at nasugatan, ano kaya ang ginagawa ng iba pang miyembro ng SAF?
Halos 400 SAF members ang nasa Maguindanao para sa operasyon. Kanya-kanya sila ng umpukan at hindi iisang pulutonggaya ng unang inakala ng marami.
Mayroong kanya-kanyang trabaho ang bawat unit.
At nasisi pa nga ang mga sundalo sa lugar dahil hindi umano sumaklolo sa mga bi-nabaril na SAF members.
Pero bakit aasahan ng SAF ang mga sundalo kung meron naman pala silang tropa na nasa lugar din.
Siguro ay mas mahirap na tumingin sa mata ng pamilya ng kanilang mga namayapang kasamahan kung kasama sila sa grupo na naghihintay lamang na matapos ang putukan.
Ito ay kung totoo lang naman ang kuwento na nakalugmok lamang ang mga pulutong ng SAF members habang pina-patay ang kanilang mga kasama.
Dahil sa kaguluhang ito, lumutang na naman ang mga espekulasyon ng kudeta o ang pagpapatalsik sa Aquino government. Dismayado kasi ang mga pulis dahil sa nangyari.
Marami ang nagdadalawang-isip na kagatin ang scenario na ito. Isang taon na lamang kasi ang Aquino government kaya bakit pa raw guguluhin.
At kung mapapatalsik man si Aquino, sino ang papalit? Ayon sa Konstitusyon si Vice President Jejomar Binay.
Tiyak na ayaw ito ng mga nag-aambisyon na tumakbo sa 2016 presidential polls. Magiging bentahe ni Binay ang pag-upo sa Malacanang habang tumatakbo sa halalan.
Tiyak mauulit nanaman ang mga alegasyon noong tumakbo sa pagkapangulo si Gloria Arroyo noong 2004 na ginamit ang resources ng gobyerno para siya ay manalo.
Kung nagngingitngit naman ang maraming pulis, mukhang hindi naman ganito ang nararamdaman ng mga sundalo lalo at parang binastos sila nito ng pumasok sa Mamasapano ng hindi man lamang nagpapasabi.