Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX vs Rain or Shine
7 p.m. Purefoods Star vs Alaska Milk
PUNTIRYA ng defending champion Purefoods Star ang ikalawang sunod na panalo at pagsosyo sa liderato sa pagkikita nila ng nagpupugay na Alaska Milk sa PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon ay sisimulan din ng NLEX ang kampanya nito laban sa Rain or Shine.
Sinimulan ng Hotshots ang pagdepensa sa korona sa pamamagitan ng 83-70 panalo kontra Globalport noong Biyernes.
Magandang mga numero ang nakuha ng Hotshots sa Best Import na si Marqus Blakely na siyang pansamantala nilang reinforcement habang hinihintay si Daniel Orton na manggagaling sa Chinese Basketball League. Si Blakely, na siyang pinakamaliit na import sa sukat na 6-foot-5, ay nagtala ng 26 puntos at 18 rebounds.
Na-miss ng Hotshots sa first game sina Peter June Simon na may back spasms, Ian Sangalang na naoperahan sa tuhod at Yousef Taha na nasuspindi ng dalawang laro bunga ng pananapak kay Rain or Shine import Rick Jackson sa tune-up game dalawang Lunes na ang nakalilipas.
Si coach Tim Cone ay patuloy na aasa kina James Yap, Marc Pingris, Mark Barroca at Joe Devance.
Ang Alaska Milk, na sumegunda sa San Miguel Beer sa nakaraang Philippine Cup, ay pangungunahan ng 6-foot-9 na si DJ Covington na isang two-time Big South Defensive Player of the Year sa US NCAA.