MARAMING katanungan ang hindi pa rin nasasagot hinggil sa pagkamatay ng Fallen 44. Umabot nang mahigit 11 oras ang kanilang pakikipagbakbakan sa mas malakas na pwersa ng MILF at BIFF noong Enero 25. Alas dose ng tanghali noon,buhay pa raw ang mga pulis niya at naghihintay ng “reinforcements”, sabi ni SAF director Gen. Getulio Napeñas na noon ay nagpalabas ng saklolo sa AFP alas 6 ng umaga.
Ayon naman kay Defense Secretary Voltaire Gazmin, alas 8:20 ng umaga malapit na sa Mamasapano ang tropang sundalo. Pero inamin din nito na medyo naatraso nga ang mga ito dahil walang koordinasyon ng PNP-SAF.
Kapansin-pansin ang mga “timing” ng mga pahayag. Ano ang nangyari sa pagitan ng 8:20a.m. kung saan nandyan na ang mga sundalo samantalang sa panig ng PNP-SAF, alas 12 ng tanghali naman ay buhay pa at nakikipaglaban pa sila? Bakit hindi na lamang sumugod ang militar sa labanan tulad nang inaasahan ng marami? Bakit hindi nagpadala ng aerial support ang AFP. Tandaan natin na maliwanag na ang araw noong mga panahon na iyon.
May pumigil ba sa pagpapadala ng aerial support at reinforcements para isalba ang mga buhay pa at napapaligirang mga SAF? Ayon sa mga military sources, hindi sila makagalaw dahil sila’y lalabag sa “ceasefire agreement” sa MILF. Meron ding report na ito raw sina Presidential adviser on peace process Jing Deles at Chief negotiator Miriam Coronel-Ferrer ay naging malaki ang papel sa mga “delikadong oras na ito ng 8:20 am-12nn”.
Si dating Pangulong Fidel Ramos ay deretsahang nagsabi na bago raw naganap ang “slaughter’ o pagmasaker sa Fallen 44, itong sina Deles at Ferrer ay dapat nakinig sa mas higit na nakakaalam, may karanasan, at subok sa gera gaya ng mga retiradong opisyal ng AFP at PNP.
Isang komentong nagpalalalim sa mga tanong: Nakialam ba sina Deles at Ferrer sa pagpasok ng militar para matulungan ang mga napapaligirang Fallen44?
Matatandaan na noon ay nasa Zamboanga City si PNoy dahil sa bombing incident, hindi kaya nag-advise itong sina Deles at Ferrer kay PNoy habang nagaganap ang krisis sa Mamasapano? Bakit hindi inutos ni PNoy ang mabilisang pag-salba sa mga napapaligirang PNP-SAF? Pinigilan ba siya nina Deles at Ferrer?
At ano naman ang reaksyon ng MILF sa usapan nina Deles, Ferrer para maawat ang pagpatay sa mga PNP-SAF? May order ba ang MILF sa kanilang mga tauhan na ihinto na ang putukan lalot buhay pa ang mga PNP-SAF dakong alas dose ng tanghali? At sumunod naman kaya ang mga tauhan ng MILF SA 105TH base command?
Totoong masalimuot ang mga sitwasyon sa pagkamatay ng 44. Makamit kaya ng itinayong board of inquiry ng DILG ang katotohanan dito? Sa aking palagay, isang malaking kalokohan ito kung DILG lamang ang mag-iimbestiga.
Mas makabubuti kung “Truth Commission” ang buuin gaya ng panukala ng mga senador. Una, matataas na opisyal ng gobyerno ang sangkot dito, mula kay PNoy, kanyang mga peace advisers na sina Deles at Ferrer, suspended PNP Chief Alan Purisima, PNP OIC Gen. Leonardo Espina, Defense Secretary Gazmin, DILG Sec. Mar Roxas, MILF at maging AFP officers sa isyu naman ng reinforcements.
Dapat maging impartial ang gagawing imbestigasyon at walang sasantuhin.
Pero, paano ka aasa na may matatamong hustisya kung magiging inutil ang board of inquiry na siya mag-iimbestiga sa malalaking personalidad na pasok dito? Kaya ba nilang ipatawag si PNoy at maging ang MILF?
Isang truth commission o isang independent fact finding body na walang impluwensya ng Malakanyang ang dapat umiral dito. Kailangan ng mamamayang malaman ang katotohanan kung bakit hinayaang mamatay ang Fallen 44 nang walang “reinforcements”.
(Para sa komento o reaksyon, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606)