Talk ‘N Text, Barako Bull target ang win No. 2

Mga Laro Ngayon
(Alonte Sports Center, Biñan, Laguna)
3 p.m. Blackwater vs Talk ‘N Text
5:15 p.m. Brgy. Ginebra vs Barako Bull

LLAMADO ang Talk ‘N Text kontra Blackwater samantalang dikdikan ang laban sa pagitan ng Barako Bull at Barangay Ginebra sa magkahiwalay na engkwentro ng PBA Commissioner’s Cup mamayang hapon sa Alonte Sports Center sa Biñan, Laguna.

Maghaharap ang Tropang Texters at Elite sa ganap na alas-3 ng hapon at magtutuos ang Energy at Gin Kings sa alas-5:15 ng hapon na main game.

Ang Talk ‘N Text at Barako Bull ay kapwa nagwagi noong Miyerkules. Ginapi ng Tropang Texters ang Rain or Shine, 89-86, samantalang tinambakan ng Energy ang walang import na Blackwater, 92-79. Kung mananalo silang muli mamaya ay makakasama nila sa itaas ng standings ang Meralco Bolts.

Sumandig ang Tropang Texters sa kabayanihan ni Jason Castro na nagbuslo ng layup sa huling limang segundo ng laro laban sa Elasto Painters. Si Castro ay nagtapos nang may 15 puntos.

Pinabalik ng Talk ‘N Text bilang import si Richard Howell na nagtala lang ng 13 puntos laban sa Rain or Shine bunga ng maagang foul trouble.

Hindi napakinabangan ng Blackwater ang seven-footer na si Chris Charles na noon pang Disyembre dumating subalit hindi nakapaglaro dahil sa hamstring injury. Siya ay pinalitan ni Gilas Pilipinas member Marcus Douthit na lalaro mamaya.

Sa kabila ng paglalaro ng walang import ay nagbigay ng magandang laban ang Elite hanggang sa third quarter kung saan nakalamang lang ang Barako Bull, 72-68.

Ang Barako Bull ay pinamumunuan ng Nigerian import na Solomon Alabi na laban sa Blackwater ay nagtala ng 21 puntos, 22 rebounds at limang blocks sa 38 minuto.

Makakatuwang niya sina Solomon Mercado, Chico Lanete at JC Intal.

Read more...