MALAKING pagkakamali ang nagawa ng Pangulong Noynoy sa hindi niya pagdalo sa arrival honors sa Villamor Air Base para sa mga nasawing 44 police commandos upang daluhan ang inagurasyon ng planta ng Mitsubishi sa Laguna.
Kahit na anong pang papuri para sa mga namatay na troopers ang ginawa niya, kahit na ano pang pakikiramay at pa-ngako ng financial support sa mga pamilya ng mga yumao, di na mababawi ni P-Noy ang ginawa niyang di pagsipot sa Villamor Air Base.
Ang pagkukrus niya at diumano’y pagdasal niya ng tahimik tuwing hinaharap isa-isa ang mga kabaong ng mga nasawing commando sa necrological services kahapon ay parang pakitang-tao lamang.
Galit na galit sa kanya ang mamamayan. Ganoon din ang karamihan sa mga kapulisan at kasundaluhan.
Di nakita ni PNoy ang magiging reaksyon ng taumbayan nang nagpasya siya na dumalo na lang sa Mitsubishi plant sa halip na sumalubong sa mga labi ng mga bayaning pulis.
Sa galit ng mamamayan, marami sa kanila ang nakapagbitiw ng salita na di makain ng aso.
Pakinggan natin ang mga phoned-in comments sa “Karambola,” isang umagang commentary program sa DWIZ (882 AM sa pihitan) na sinusundan ng aking programang “Isumbong mo kay Tulfo.”
“Dumalo ako sa libing ng iyong ama (si Sen. Ninoy Aquino) at ng iyong ina (dating Pangulong Cory). Nagutom ako sa pagdalo sa libing na kumain ng napakahabang oras. Luminya ako sa Sto. Domingo Church at sa Manila Cathedral, nabasa ako ng ulan, sumuong sa baha. Hindi ko kayo kamag-anak pero nakiramay ako sa dalamhati ng inyong pamilya. Pero nang ang aking kauri na mga bayani ang dumating sa Villamor, nasaan ka? Anong klaseng lider ka?”
“Talagang mahal ni P-Noy ang mga Hapon. Sa halip na salubungin ang mga labi ng mga SAF (Special Action Force) na minasaker sa Maguindanao, si Panot ay pinili pang dumalo sa inagurasyon ng Mitsubishi plant na pag-aaari ng mga Hapon. Nagmana siya sa kanyang lolo na isang collaborator (noong panahon ng Pangalawang Digmaan).”
“Pinagmamalaki ko ang aking sarili dahil di ako bumoto kay P-Noy. Mabuti pang magkaroon ng sampung GMA (Gloria Macapagal Arroyo) kesa sa isang P-Noy. He is a disgrace. He should step down.”
“Ang ating bading na pangulo (I’m just making a direct quote—RT) ay walang pakialam sa mga napatay na sundalo at sa halip nakihalubilo sa mga Hapon sa planta ng mga kotse.”
“Ninoy and Cory are turning in their graves now because of their pathetic son and their (censored) daughter Kris.”
“Now we are sure. P-Noy has an emperor complex. He doesn’t care about the lives of his fellow human beings.”
“Nilapastangan ni President Abnoy (again, I’m just making a direct quote) ang mga napatay na sundalo. Ang baklang kalbo ay pi-naunlakan ang imbitasyon sa inagurasyon ng Mitsubishi plant.”
“Di ba kayo nakakahalata na sa tuwing may kalamidad ay hindi siya dumarating agad sa lugar ng trahedya upang makiramay sa mga biktima? Ang dahilan ay siya’y nasa-shock kapag nakakakita ng mga patay. Ang kanyang pagi-ging bading at autistic (again, I’m just quoting) ay lumalabas kapag nahaharap siya ng trahedya.”
Lubhang napakaraming text messages sa mga listeners na nagbigay ng kani-kanilang komentaryo ang natanggap ng Karambola at Isumbong mo kay Tulfo kahapon.
Kung isa-isahin ko na ilathala ang lahat ng text messages baka mapuno ang buong diyaryo ng Bandera.
Nasaksihan ng publiko ang pagiging compassionate leader ni Interior Secretary Mar Roxas nang tumulo ang kanyang mga luha sa Villamor Air Base noong Huwebes at sa Camp Bagong Diwa (Taguig) kung saan ay isinagawa ang necrological services para sa mga bayaning sundalo.
Kahit na pinipigil ni Roxas ang pag-iyak, di mapigil ang pagtulo ng kanyang mga luha.
Di ako magtataka kung si Roxas ay magbitiw sa kanyang tungkulin.
Ginawa siyang tanga ng Pangulo nang di pinaalam sa kanya ang operation sa Maguindanao bilang opisyal na may supervision sa Philippine National Police.