Apat na dating kampeon kakarera sa Le Tour de Filipinas

HINDI tatlo kundi apat na dating kampeon ang magbabakbakan sa 6th Le Tour de Filipinas na magsisimula na sa Linggo sa Balanga, Bataan.

Si Baler Ravina, na siyang kauna-unahang Filipino cyclist na nanalo ng kampeonato sa isang UCI-sanctioned race noong 2002, ay makakasama sa 7-Eleven Road Bike Philippines na isa sa dalawang koponan mula sa host country.

Ang isa ay ang PhilCycling national team na pangungunahan ng nagdedepensang kampeon na si Mark Galedo na magsisikap na maging  kauna-unahang siklista na makakadalawang sunod na titulo sa pakarerang handog ng Air21 at may suporta pa ng MVP Sports Foundation at Smart at inorganisa ng Ube Media sa pangunguna ng pangulo nitong si Donna Lina-Flavier.

Ang dalawa pang dating kampeon na magbabalik sa apat na araw na karera na magtatapos sa Baguio City ay ang mga Iranians na sina Rahim Emami (2011) at Ghader Mizbani (2013) na pangungunahan ang mga koponan na Yzad Pro Cycling Team at Tabriz Petrochemical Team.

Magpapatingkad pa sa kompetisyon ay ang gagamiting ruta na kung saan tunay na masusukat ang mga sprinters at climbers.

May pitong intermediate sprints ang paglalabanan sa karera habang ang mga climbers ay masusukat sa huling araw ng kompetisyon dahil dadaan ang mga siklista sa mapanghamong Kennon Road patungo sa finish line sa Baguio City Convention Center.

“Ang nakikita kong average speed sa karera ay nasa 40 kph. Pero ang mga climbers ay magkakaroon ng pagkakataon na maipakita ang galing sa huling araw,” wika ni race manager at 1979 Tour champion Paquito Rivas.

Darating ngayon ang 13 bisitang koponan at didiretso sila sa Balanga at bukas ay isasagawa ang team manager’s meeting.

Sa Linggo magsisimula ang tagisan na isang 126-kilometer Balanga-Balanga race bago sundan ng 153.75-km Balanga-Iba Zambales. Ang Stage Three ay Iba hanggang Lingayen, Pangasinan na 149.34-km race habang ang huling araw ng tagisan ay ang Lingayen-Baguio na 101-km karera.

Read more...