GAGAMITIN ng host Tagum City, Davao del Norte ang 2015 Palarong Pambansa para maging behikulo ng kapayapaan at pagkakaisa ng lahat.
“Through this year’s Palarong Pambansa, we will show to the world how sports could be a powerful tool in achieving peace,” wika ni Governoor Rodolfo del Rosario na siyang chairman ng Palaro Executive Committee.
Bunga nito, ang tema ng Palaro na gagawin mula Mayo 3 hanggang 9 ay “Sports: Breaking Borders Building Peace” na napagkasunduan nang nagpulong ang organizing committee nitong Martes.
Si Del Rosario ay nakipagkita kahapon kay DepEd Secretary Armin Luistro upang pormal na lagdaan ang Memorandum of Agreement para sa kauna-unahang hosting ng Tagum City sa pinakamalaking kompetisyon na kinatatampukan ng mga mag-aaral sa elementary at secondary levels.
“Masayang-masaya ang Kagawaran sa nangyari sa araw na ito dahil ito ay isang boto para sa Kapayapaan sa Mindanao,” wika ni Luistro.
Tinatayang 10,000 ang mga atleta at opisyales na tutungo sa Tagum para magsukatan sa 17 sports disciplines na paglalabanan.
Tiniyak din ni Del Rosario na nagkakaisa ang lahat ng nasasakupan ng Region 11 para matiyak na magiging pinakamahusay ang kauna-unahang Palarong Pambansa sa Davao del Norte.
“Lahat ng nasasakupan ng Region 11 ay may parte sa hosting na ito. Lahat ay magpapakita ng kooperasyon at walang magiging politika rito dahil gusto ng lahat na maging matagumpay ang Palaro,” ani pa ni Del Rosario.
Ang Davao del Norte Sports and Tourism Complex ang main venue pero ang ibang palaruan ay magkakalapit lang para matiyak na magiging maayos ang isang linggong pamamalagi ng mga bisita.