Tanong ng isa nating texter: Tuwing kailan ba dapat magpa-tune up ng motorsiklo?
Maraming motorcycle rider na Pinoy ang sakay na lamang nang sakay sa kanilang kabayong de gulong. Habang umaandar pa ay sige lang nang sige.
Minsan kahit na mayroong ibang naramdaman habang minamaneho ang motorsiklo ay binabalewala lamang ito. Kapag madalas na ikaw ang gumagamit ng iyong sasakyan, agad mong mapapansin ang pagbabago sa iyong sasakyan kaya dapat itong maging senyales na panahon na upang ipasuri mo ito.
Baka kailangan mo nang ipa tune-up ang iyong motorsiklo.
Pero mas maganda siguro kung hindi mo na hihintayin na magkaganito at ipasusuri mo ang iyong sasakyan lalo na kung mayroon kang malayong biyahe.
Sa tune up sinusuri ang mga mahahalagang piyesa ng motorsiklo at pinapalitan ang kailangan ng palitan.Tinitignan kung tama ang clearance ng mga balbula para tama ang dami ng pumapasok na gasolina sa makina.
Iba-iba ang kailangang dami ng gasolina at dumedepende ito sa laki ng makina.Kung masyadong marami ang gasolina na pumapasok, nasasayang lang ito at nagiging mausok ang sasakyan.
Kung konti naman, kapos ang lakas na naibibigay ng makina. Tignan din kung kailangan ng palitan ang spark plug. Ang spark plug ang siyang nagpapasabog sa naghalong gasolina at hangin na pumasok sa makina.
Ang pagsabog na nalilikha ang siyang nagbibigay ng power na tutulak sa piston at magpapatakbo sa motorsiklo. Dahil kailangan na sapat ang hangin na pumasok sa makina, dapat malinis ang air filter element.
Kung barado ito kailangan itong linisin. Kung may budget naman, palitan na. Palitan na rin ang langis kung matagal na ito at isabay na ang oil filter.
Tignan ang manual ng inyong sasakyan para malaman kung tuwing kailan o gaano kahaba ang kailangang takbuhin bago magpalit ng langis at oil filter.
Ang preno ay dapat ding suriin. Tignan kung makapal pa ang mga brake pads at kung pantay ang pagbabawas nito. Kung hindi dapat na ipasuri ang brake system.
Pakatandaan na hindi natatapos sa pagbili ng motorsiklo ang gastos. Kailangan gumastos upang mapanatili na maayos ang pagtakbo ng inyong motorsiklo.
Kaya bago bumili ng motorsiklo dapat ding tiyakin na may extra budget para sa pagpapagawa at pag-maintain nito.