BAGO pa siya nakilala sa showbiz, mahilig na raw sumali sa mga beauty contest si Mary Grace Perido, o mas kilala bilang si Louise delos Reyes. Nanalo siya bilang Ms. Lyceum of the Philippines University-Cavite noong 2010, Ms. Teen Philippines International-Luzon, Ms. Jag Teen 2007 at Ms. Teen Super Ferry noong 2007.
Edad 15 nang magsimula siyang umarte sa youth-oriented show ng TV5 na Lipgloss.
Ilang buwan lang ang lumipas, pumirma na siya ng kontrata sa GMA Artist Center at nagtuluy-tuloy na nga ang kanyang swerte sa showbiz.
Narito ang kabuuan ng one-on-one interview namin kay Louise nang dumalaw siya sa BANDERA kamakailan.
BANDERA: Kumusta ka na ngayong sumisikat ka na bilang isa sa pambatong young leading ladies ng GMA?
LOUISE DELOS REYES: Okay naman po. So far, nae-enjoy ko naman po yung mga trabaho ko.B: Happy ka naman sa itinatakbo ng career mo?
LDR: Siyempre naman po, sobrang happy ako dahil hindi ko rin naman inaakala na bibigyan ako ng primetime show ng GMA agad-agad, after ng Alakdana.
So, thankful ako sa GMA kasi talagang inaalagaan nila ako.
Overwhelming po talaga, kasi kasama ko pa ngayon sa My Beloved sina Ms. Marian Rivera at Mr. Dingdong Dantes.
Napakasarap po ng feeling na ka-join ka sa project nila, kasi alam naman po natin na sila ‘yung pambato talaga ng GMA, di ba?
B: So, okay lang sa ‘yo na nagbida ka na sa teleserye, tapos second lead ka lang dito sa My Beloved?
LDR: Okay lang po ‘yun, kasi iba rin ‘yung dating na sila ‘yung kasama mo sa show, tsaka siyempre ibang-iba rin naman ‘yung story namin sa kanila, sa amin kasi ni Alden (Richards), parang ‘yung pang-tweens.
B: Kumusta sila katrabaho?
LDR: Sobrang nakakatuwa sila, sobrang sweet nilang dalawa!
Si ate Yanyan kasi, sa set, malalaman mo agad na nandu’n siya kasi biglang mag-iingay.
Kasi tutuksuhin niya ‘yung staff, ‘yung mga artista.
Like kami ni Alden, tinutukso niya kaming dalawa.
Tapos pati si Mommy, minsan sasabihin niya, ‘Sige na sabihin mo na kung sino ang crush mo, wala naman si mommy dito, e!’
So, nakakatuwa talaga siya.
Pero si kuya Dingdong, sobrang kabaligtaran ni ate Yanyan, kasi tahimik lang. Pero kapag bumabanat na siya ng mga jokes, ibang klase rin.
B: Speaking of Marian, wala ka bang naririnig tungkol sa sinasabing maldita siya, isnabera, maarte? Wala ka bang na-experience na ganu’n?
LDR: Wala naman po. Actually, parang minsan nga iniisip ko, bakit kaya may mga ganu’ng tsismis?
Siguro nami-misinterpret lang siya ng mga tao. E, nakikita ko nga, siya pa nga ang bumabati sa mga tao sa set.
Minsan sasabihin niya sa isang staff, ‘Hoy, bakla!
Bakit hindi mo ako pinapansin?’ Siguro name-misunderstood lang ‘yung personality niya.
Kasi matapang talaga si ate Yan. Kapag tingin niya naaapakan na siya, talagang lalaban siya.
B: Kumusta naman kayo ni Alden?
LDR: Okay po kami. Parang wala pa rin namang pinagbago ‘yung takbo ng relasyon naming dalawa bilang friends.
Happy ako kasi parang halos sabay kaming nag-start, nagbida, ngayon magkasama pa rin kami.
Masaya rin ako for him sa mga blessings na natatanggap niya. Maganda na rin ang takbo ng career niya.
B: Paano mo hina-handle ang mga intriga sa ‘yo? Pinakamabigat na tsismis na ibinato sa ‘yo?
LDR: Recently lang, ‘yung may nagsabi sa akin na nu’ng hinimatay daw ako sa Party Pilipinas, ang daming lumabas na issue na buntis daw ako, tapos nagbigay pa sila kung ilang months na raw ‘yung pinagbubuntis ko.
Parang hindi naman yata four months ang tiyan ko, sabi ko nga, baka taba lang ‘yung nakita nila.
Tapos meron ding nagsabi na may cancer daw ako at may taning na ang buhay ko.
Pero para sa akin, hindi natin maiiwasan ‘yung mga ganu’ng intriga kasi showbiz ito, e.
Kahit na gumawa ka ng mga mabuting bagay, iintrigahin ka pa rin.
Ang akin lang, minsan nasasaktan talaga ako lalo na kapag ang issue about my family na, kay mommy.
B: Stage mother nga ba si mommy? May nagsasabi na lagi raw nakikialam ang mommy mo sa mga ginagawa mo?
LDR: Si mommy talaga pinoprotektahan lang ako niyan, siyempre anak niya ‘ko.
Hilig lang talaga niyang sumama sa akin, kasi mas kampante ang loob niya kapag siya ang kasama ko.
Ganu’n naman talaga ang nature ng mga mommy, di ba?
Kapag feeling mo malungkot ang anak mo, malulungkot din sila. So si mama, kapag masaya ako, mas masaya siya.
Kapag sad ako, siya ‘yung mas sad.
Maybe nami-misinterpret din siya ng mga tao, kasi siguro sa kilay din niya, kasi masyado ngang mataas. Ha-hahaha!
Pero kilay lang naman ‘yun, mabait naman ang mama ko!
Tsaka si mama, hindi siya ‘yung tipo ng tao na masyadong pabibo. Tahimik lang ‘yan, tapos kapag kinausap mo, tapos nagkasundo kayo, okay na okay na kayo niyan.
B: Kung bibigyan ka ng chance anu-ano pang roles ang gusto mong gampanan?
LDR: Gusto ko ‘yung out of the box na acting, tulad ng sa mga indie films.
Kasi parang wala kang restrictions sa indie films, di ba?
Gusto ko pang i-explore kung ano pa ‘yung kaya kong gawin bukod sa pag-iyak, sa pagpapatawa, sa pagpapa-cute.
Like being a psycho, ‘yung baliw, tapos gusto ko ring ‘yung parang may sakit ka, ‘yung mamamatay ka na, parang sa Magnifico, ‘yung bata du’n.
Tomboy, gusto ko rin. Feeling ko mas lalabas pa ‘yung acting ko kapag mga ganu’ng roles ang gagawin ko.
At kung kaya ko ba talagang idepensa ‘yung role na ibinigay sa akin.
B: Kunyari tomboy tapos may kaunting sexy, payag ka ba?
LDR: Ako naman, pinagkakatiwalaan ko kung sino ang magiging director ko, kung sa tingin nila kaya kong gawin ‘yun, hindi pangit para sa akin, why not?
Siyempre, magpapaalam muna ako sa mga boss ko kung pwede na akong magpa-sexy.
Pero so far, hindi pa ako nagpo-focus sa level na ‘yun, siguro du’n muna sa mga role na pwede kong i-stretch ‘yung capacity ko bilang artista.
B: Sinu-sino pa ang gusto mong makatrabaho?
LDR: Naiiisip ko nga, ‘yung makakasama ko sa isang project ‘yung mga idol ko, like sina Jean Garcia, Cherie Gil and Maricel Soriano?
Pero sabi ko, bakit puro kontrabida ‘yung gusto ko? Nakasama ko si Ms. Cherie sa isang indie film, sobrang idol ko siya kasi boses pa lang make-carried away ka na, mata pa lang, umaarte na.
Si Ms. Jean naman naging nanay ko siya sa Alakdana, doon ko nakita na hindi lang siya magaling na kontrabida.
Kasi kapag umiyak na siya, kahit hindi ka kailangang umiyak, mapapaiyak ka talaga kasi sobrang lalim niya.
Nadadala ka sa acting niya.
Si Ms. Maricel ganu’n din.
Siya ‘yung unang naging nanay ko na gumanap sa Pilyang Kerubin.
Hindi ko makakalimutan ‘yun kasi du’n daw ako na-discover.
That was two years ago. Medyo matagal na.
B: Sensitive ka ba? Madali ka bang maapektuhan ng mga bagay-bagay sa paligid mo?
LDR: Siguro sa ibang bagay, lalo na kunyari kapag nagagalit si mama, naaapektuhan ako.
Tapos, more on personal.
Kapag nasasaktan ako, pag involved ‘yung mga friends ko, ‘yung mga taong malalapit sa akin.
Doon ako affected, na kung minsan pati trabaho ko naaapektuhan na rin.
Pero kung ako lang, ‘yung mga issue na hindi naman totoo, wala ‘yun.
Pero kapag nadamay na ang pamilya ko, nasasaktan ako du’n.
B: Kapag wala kang work, ano ang pinagkakaabalahan mo?
LDR: Nasa bahay lang ako. Kasi hindi ako magimik na tao, e.
Kahit isipin ko na, kahit sa mga events sa mga bar, kahit required akong pumunta, minsa labag din sa loob ko.
Kasi ayaw ko ng ingay, ‘yung usok ng sigarilyo.
Hindi naman sa anti-social ako, hindi ko lang talaga kinalakihan kasi nga sa province ako lumaki.
Gusto ko nasa bahay lang, kasama ang family.
B: Hindi ba malungkot ‘yung ganu’n?
LDR: Hindi naman. Mas nae-enjoy ko nga ‘yun, e. Hawak ko lang ang laptop ko.
Hindi naman sa pinagbabawalan ako ni mommy, ‘yun po talaga ang gusto ko.
Minsan nga, kapag nagmo-mall ako, kasama pamilya.
Hindi ‘yung gimik talaga. Hindi tambay. May purpose ‘yung pagpunta ko du’n, shopping! Ha-hahaha!
B: So magastos ka?
LDR: Medyo! Siguro kasi necessity din ng isang artista ‘yung binibili ko, ‘yung magagamit ko rin sa mga show.
Hindi naman to the point na nagiging shopaholic na ‘ko. Minsan tumatawad pa nga ako.
Sa mga shoes, mas gusto ko ‘yung bumili ng medyo mahal kasi ‘yung quality.
Proud ka na nakabili ka ng may brand na gamit kasi galing ‘yun sa pinaghirapan mo.
B: May mga investments ka na ba?
LDR: Medyo marami na rin po. Isa ako sa mga board of directors ng isang company sa Cavite, nag-invest na ako ng pera du’n na naipon ko from my past shows.
Tapos nakabili na ako ng sasakyan with the help of my mom.
Ngayon nag-iisip ako na magbukas ng apartment.
Dapat gasolinahan, pero sabi nila, kung maliit na gasoline station lang ‘yung itatayo, huwag na lang kasi baka malugi lang, kasi matatalo ka rin.
So, apartment kasi maraming factories sa Cavite, para at least ‘yung pera ko, umiikot nang umiikot.
Gusto ko rin kasi na kahit hindi na ako artista, nakikita ko kung saan napunta ‘yung pera ko.
B: Ano ang masasabi mo sa mga kabataang nabubuntis agad?
LDR: Para sa akin, hindi ko sila masisisi dahil, siguro maraming mga bata ngayon na nalilihis ng landas.
Minsan may pagkukulang din ‘yung mga parents sa ganu’n, o mismong sila hindi nila pinakikinggan ‘yung mga advice ng magulang nila.
Kasi marami ngayon ‘yung misunderstanding sa pamilya, lalo na ‘yung nasa abroad ‘yung parents.
Maraming bata ang naiiwan, hindi ko rin sila masisisi.
‘Yung iba sasabihin nila sobrang mahal nila ‘yung tao, hindi na nila naiisip ‘yung mag-ingat.
Ako, advice ko sa kanila, kapag nadapa na sila minsan, huwag na nilang ulitin.
Kasi ako super against sa abortion. Kung ginawa n’yo ‘yan, dapat ‘yung responsibility na kasama nu’n dapat alam din nila.
Basta kapag dumating ‘yung time na nabuntis sila, huwag nilang ipapalaglag ang bata. Panagutan nila.
Kasi kung nagkamali man sila, hindi solusyon na patayin mo rin ‘yung magiging anak mo.
Palakihin na lang nilang mabuti ‘yung anak nila at maging mabuting example sa kanilang paglaki.
B: Bukod sa pag-aartista, ano pa ang gusto mong ma-achieve?
LDR: Gusto kong maging lawyer.
Naging concrete dream ko siya nu’ng high school ako. Kasi noon sabi nila, masyado akong madepensa sa mga kaibigan ko.
Kasi kapag may mga umaaway sa kanila, kapag pinagagalitan sila, ako ang laging dedepensa sa kanila.
Nahiligan ko rin na magbasa ng mga law books, like ‘yung Constitution, kasi ‘yung dalawang brothers ko, pulis sila.
So, meron silang subjects sa law, ako naman nakikibasa hanggang sa maging interesado na ako.
It came to a point, na gusto ko rin silang ipagtanggol kung saka-sakali.
Kasi napansin ko talaga, kapag wala kang kapit, kapag wala kang mahihingan ng tulong, talo ka lagi, kahit ikaw pa ang tama.
Kaya gusto ko ‘yung maituwid ‘yung mga ganu’n.
Gusto nila sa corporate, malaki raw kasi ang pera du’n. Sabi nga nila, baka raw kindatan ko lang ‘yung judge o ‘yung kalaban kong lawyer, maipanalo ko na ‘yung kaso. Ha-hahaha! Joke!