Kasambahay na inapi ng doktora

“THOSE who have less in life should have more in law,” sabi ng yumaong Pangulong Ramon Magsaysay.

Noon sigurong panahon ni Magsaysay, ang mahihirap ay kinakampihan ng batas kapag pinaparatangan sila ng mga mapang-aping maimpluwensiya at mayayaman.

Hindi ngayon nangyayari ang ganoon.

Tingnan mo na lang ang nangyari kay Celerina Zamora, 32 anyos, isang kasambahay na pinarata-ngan ng pagnanakaw ng kanyang amo.

Dinala ni Dra. Vilma Mendoza, ng Imperial Bayfront Tower sa Malate, Manila, si Celerina sa
istasyon ng pulisya.

Sinabi ni Mendoza sa imbestigador na si PO3 Ferdinand Leyva na ninakawan siya ni Celerina ng dalawang relo at $100 bill.

Nang halungkatin ni Leyva ang balutan ni Celerina ay wala siyang nakitang ebidensiya o yung relo at dollar bill na sinasabing ninakaw ng kasambahay.

Pero estupido itong si Leyva. Kahit na wala siyang nakitang ebidensiya sa mga gamit ni Celerina inakyat pa rin niya ang kaso sa piskalya.

Ang inquest prosecutor na si Ronaldo Hubilla ay isa ring bobo at dapat si-gurong bumalik sa law school. Sinampahan ni Hubilla ang pobreng katulong kahit na walang ebidensiya.

Si Celerina ay nakulong mula Enero 3 hanggang noong Biyernes, Enero 23, kung kailan pinakawalan siya dahil sa aking public service program, “Isumbong mo kay Tulfo.”

Pumunta ang nanay ni Celerina, si Aling Naty, sa aking tanggapan noong Biyernes at umiiyak na nagsumbong tungkol sa sinapit ng kanyang anak.

Agad kong sinamahan si Aling Naty sa opisina ni Prosecutor General Claro Arellano sa Department of Justice (DOJ). Si Arellano ay boss-chief ng lahat ng piskal sa bansa.

Umiiling-iling si Arellano sa pagkakakulong ni Celerina. Sabi niya, dapat ay hindi siya pinakulong dahil wala ngang ebidensiyang nakuha sa kanyang mga gamit.

Agad inutusan ni Arellano ang Manila Prosecutor’s Office na pakawalan si Celerina.

Napag-alaman ng in-yong lingkod na gawain na ni Doktora Mendoza ang magbintang ng pagnanakaw sa mga katulong na aalis na sa kanya.

Sabi ni Celerina, masungit daw na amo itong si Doktora.

Nang siya’y dinala ni Doktora sa Station 5 sa Ermita district, inutusan niya ang imbestigador na si Leyva na sampahan ng kasong qualified theft si Celerina.

Nang halungkatin ni Leyva ang mga gamit ni Celerina, wala siyang nakitang relo at papel na dolyar na sinasabing nanakaw.

Nang sabihin ni Leyva kay Doktora na walang ebidensiya, sinigawan daw nito ang imbestigador.

Nalaman ko kahapon lang na itong si Doktora ay asawa pala ng isang piskal ng Quezon City, kaya si-guro nayanig si Leyva.

Agad sinampa ni Leyva ang kaso kay Piskal Hubilla at dinala agad ng huli sa korte.

Ang isang crime suspect ay puwedeng magpatawag ng abogado. Kapag wala siyang private lawyer ay dapat bigyan siya ng abogado na galing sa Public Attorney’s Office (PAO).

Hindi ito ginawa ni Leyva.

Sinabi sa akin ni Celerina kahapon na pinagsabihan ni Leyva si Dra Mendoza na walang makitang ebidensiya kay Celerina, pero nagpumilit umano itong si Mendoza kaya’t natakot ang imbestigador.

Ang dapat sanang ginawa ng imbestigador ay nagpatawag ng abogado na taga PAO bago niya sinampa ang kaso sa piskalya.

Tinawagan ko si Justice Secretary Leila de Lima kahapon at tinanong ko siya kung ano ang masasabi niya tungkol sa ginawa ni Piskal Hubilla na sinampa ang kaso sa korte laban sa katulong na wala namang nakitang ebidensiya.

Ito ang text message ni De Lima: “He (Hubilla) may be administratively dealt with if indeed his ruling is not supported by any evidence or has acted arbitrarily or oppressively.”

Pinasampahan ng Isumbong mo kay Tulfo ng kasong administratibo sina Leyva at Hubilla.

Hinihintay namin na maibasura ang kaso na isinampa ni Dra. Mendoza kay Celerina bago namin siya sampahan ng kasong kriminal.

Those who have less in life should have more in law.

Read more...