Pacman umabot pa rin sa Miss Universe

manny pacman
Nakabando na sa buong mundo sa pamamagitan ng social media ang pakikipag-dinner ng mag-asawang Congressman Manny Pacquiao at Jinkee kay Prince Harry ng London.

Natural, sa Buckingham Palace sila nagkita at kumain, isang oportunidad na hindi nangyayari kahit sa ibang tagapamuno ng mga bansa.

Manghang-mangha siyempre ang mag-asawa sa tahanan ng mga hari, reyna at prinsipe, hindi nga naman nila sukat-akalain na mapapasok nila ang Palasyo, kundi sa pagiging sikat na boksingero ni Pacman ay ni hindi nga naman nila malalapitan kahit ang bakod lang ng Buckingham Palace.

Mula sa London ay lumipad ang mag-asawa papuntang Florida, isa ang Pambansang Kamao sa mga naging hurado sa Miss Universe na ginanap na kahapon, pinagkaguluhan din si Manny sa eroplano pa lang.

Pero kuwento ng mga kababayan nating nakasabay nila sa flight, “Malapit na silang maiwan ng eroplano, late sila. Akala siguro nila, e, Philippine Air Lines ang eroplano nila.”

Ilang beses na kasing nale-late si Pacman sa pagtse-check-in, may ilang beses na siyang malapit maiwanan ng eroplano, pasalamat na lang siya dahil PAL ang kanyang airline dahil binibigyan siya ng kunsiderasyon.

“Ang nakakatuwa lang, nu’ng makita siya ng mga pasahero, sa halip na mainis, e, nangatuwa pa! Kani-kanyang pa-picture na sila kay Pacman. Iba na nga naman ang sikat sa buong mundo!” bawi ng aming source.

Read more...