BIGO na namang maiuwi ng Pilipinas ang Miss Universe crown.
Sa ginanap na 63rd Miss Universe coronation night sa Miami, Florida, USA kanina, si Miss Colombia Paulina Vega ang kinoronahang Miss Universe 2014.
Ang Pinay bet naman nating si Mary Jean Lastimosa ay pumasok hanggang top 10 ngunit hindi na ito tinawag nang i-announce na ang top 5 finalists.
Hindi nagawang tapatan ni MJ ang narating ng mga nakaraang kandidata ng bansa sa nasabing international beauty pageant tulad nina Venus Raj, Shamcey Supsup, Janine Tugonon at Ariella Arida na lahat ay nakaabot pa sa Top 5.
Ang naging tanong kay Miss Colombia ni MTV star Rob Dyrdek ay, “What could women learn from men?” Ito naman ang naging sagot ni Paulina Vega, “A lot of men still believe in equality. I think that’s the thing that women we should learn from men.”
Tinanghal na first runner-up si Miss USA, second-runner up naman si Miss Ukraine na sinundan ni Miss Netherlands at fourth-runner up naman si Miss Jamaica.
Binigyan naman ng special awards ang ilang kandidata tulad nina Miss Nigeria na nanalong Miss Congeniality; Miss Puerto Rico bilang Miss Photogenic; at Miss Indonesia na nagwaging Miss National Costume.
Isa ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa mga umupong judges sa 63rd Miss Universe at siya ang napiling magtanong kay Miss USA na itinanghal ngang first-runner up.
MOST READ
LATEST STORIES