WALANG makakatanggi sa tamis at kapangyarihan ng pag-iibigan nina Xander (Enrique Gil) at Agnes (Liza Soberano) sa kilig-serye na Forevermore dahil patuloy itong namamayagpag sa primetime ratings sa Pilipinas, nakakakuha ng matataas na online hits, at gumawa ng ingay sa social media worldwide.
Base sa latest data mula sa Kantar Media Philippines (television audience measurement provider), nakakuha ang serye ng Philippine TV rating na 25% o higit sa nakuha ng kalabang programa ng ibang Filipino networks.
Patuloy din ang paggawa ng ingay ng Forevermore na makikita sa online hits sa official online service ng TFC, ang TFC.tv. Bukod pa sa mataas na rating nito, sumikat rin ang site location ng programa kung saan nakatira ang karakter ni Soberano, ang Sitio La Presa sa Tuba, Benguet.
Sitio Pungayan ang orihinal na pangalan ng Sitio La Presa pero dahil ito ang ipinangalan ng programa, sumikat na ito sa mga denizens na nagpatibay pa lalo sa matatag ng turismo ng probinsiya.
Base sa report, dinumog ng mga tao ang Sitio La Presa noong holiday season ng nakaraang taon para makita ang kabahayan ng Sitio La Presa at maki-selfie sa cast.
Bukod pa sa Sitio La Presa, sumikat pa lalo ang mga tourist spot gaya ng Burnham Park, Wright Park, at The Manor, na pinangalanang Hotel Grande sa show at pagmamay-ari ng pamilya ng karakter ni Enrique.
In fairness, kahit ang mga kapitbahay namin sa bahay ay baliw na baliw sa kuwento nina Agnes at Xander. As in talagang gabi-gabi nilang inaabangan ang Forevermore lalo na ngayong magdyowa na nga sa kuwento sina Enrique at Liza.
Napanood namin ang ilang eksena noong Biyernes at talaga namang walang dudang napakalakas ng chemistry on screen ng dalawang bagets.
Tama nga ang sinabi ni Enrique noong una namin siyang nainterbyu sa set ng Forevermore sa Benguet, na si Liza na nga ang leading lady na hinahanap ng ABS para maging official ka-loveteam niya.