NAKAHINGA na ng maluwag si San Miguel Beer coach Leovino Austria matapos na makamit ng Beermen ang kampeonato ng PBA Philippine Cup noong Miyerkules sa punumpunong Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa totoo lang, kung pressure ang pag-uusapan, aba’y lagpas leeg ang naramdaman ni Austria.
Bago kasi nag-umpisa ang best-of-seven Finals sa pagitan ng San Miguel Beer at Alaska Milk ay maraming nagsabing kayang-kaya ng Beermen ang Aces.
Katunayan, ang katanungan ay kung ilang laro matatapos ang serye? Mawawalis din ba ng San Miguel Beer ang Alaska Milk kagaya ng ginawa nito sa Talk ‘N Text sa semifinal round?
Sa first quarter ng Game One ay waring ganoon na nga ang mangyayari. Kasi umabante kaagad ang Beermen, 27-5.
Pero doon natapos ang pagiging overwhelming favorites ng Beermen. Kasi’y parang walang anumang hinabol sila ng Aces na nagwagi, 88-82.
Ang koponang sinasabing wawalisin sa finals ang siyang nakauna sa serye. Nakalamang pa nga ang Aces, 2-1, dahil nagwagi rin sila sa Game Three, 78-70, matapos na makahabol din buhat sa 21 puntos na abante ng Beermen.
Iyon naman talaga ang kuwento para sa Alaska Milk sa kabuuan ng Finals. O kabuan ng torneo dahil hindi naman sila ang nakadiretso sa semifinals kung hindi ang San Miguel Beer at Rain or Shine.
Naghabol lang sila.
Well, matapos ang limang laro ay nakauna ang San Miguel, 3-2, sa serye at nangailangan na lang ng isa pang panalo upang maiuwi ang korona noong Linggo.
Pero dahil sa comeback kids nga ang Aces, hayun ay nagawa nilang talunin ang Beermen, 87-76, sa Game Six at mapuwersa ang kalaban sa sitwasyong isa’t isa.
Sa Game Seven animo’y tatambakan ng San Miguel ang Alaska Milk dahil sa lumayo kaagad ang Beermen at nakalamang, 48-27, sa halftime.
Pero kagaya ng mga nakaraang panalo ng Aces, nakahabol uli sila at nanguna pa ng anim na puntos sa dulo ng laro.
The rest is history as they say.
Kung kaya ng Alaska Milk na makabalik, aba’y kaya rin ng San Miguel Beer na gawin iyon. Sa dulo ng laro ay nagbida para sa Beermen si Arwind Santos na nagpasok ng isang three-point shot upang lumamang ng Beermen, 79-78. Si Santos din ang nagpasok ng isang free throw para sa final score.
Pero hindi naman doon natapos ang lahat dahil sa nagkarooon pa ng tsansa ang Alaska Milk na magwagi. Nagmintis nga lang sa kanyang three-point shot si JVee Casio sabay tunog ng final buzzer.
Kung ikaw si Austria, talagang magpapasalamat ka’t tapos na ang lahat! Sa dulo nga ng serye, kahit na natalo ang Alaska Milk, nakukuha pa ni coach Alex Compton na ngumiti.
Kasi maraming napabilib ang Aces!