Huling duwelo sa kampeonato

alaska

HINDI nagkasya sa anim na laro ang Alaska Milk at San Miguel Beer upang madesisyunan ang kanilang duwelo at kinailangang umabot sa sukdulan ang lahat.

Magtutuos ang Aces at Beermen sa huling pagkakataon upang malaman kung sino ang magkakampeon sa PBA Philippine Cup ngayon.

Ang Game Seven ay mangyayari sag ganap na alas-7  ng gabi  sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City. Binuhay ng Alaska Milk ang pag-asa nito nang talunin ng Aces ang Beermen sa Game Six, 87-76, noong Linggo upang itabla ang serye, 3-all.

Sa larong ito ay nakabalik sila sa 18-4 abante ng San Miguel Beer sa first quarter. Ang Aces ay nakabalik din sa malalaking kalamangan ng Beermen upang magwagi sa Game One (88-82) at Game Three (78-70).

Ang San Miguel Beer ay nanalo sa Game Two (100-86), Game Four (88-70) at Game Five (93-88).  Susi sa panalo ng Aces sa Game Six ay ang kontribus-yon ng mga reserbang manlalarong sina Dondon Hontiveros, Vic Manuel, Ping Exciminiano at team captian Tony dela Cruz.

Hindi maganda ang naging performance ni Calvin Abueva na nalimita sa limang puntos na siyang pinakamababa niyang output sa Finals.

“It’s the character of this team that’s carrying us. I firmly beleve in that,” ani Alex Compton na nasa ikalawa niyang conference bilang coach ng Alaska.

Si Compton, gaya ni SMB head coach Leo Austria, ay naghahangad na maiuwi ang kanyang kauna-unahang titulo bilang coach sa PBA.Ayon naman kay Austria, hindi dapat iasa ng Beermen ang lahat sa kay June Mar Fajardo at kailangang mag-ambag din ang lahat.

Si Fajardo, ang Best Player of the Conference, ay nalimita sa siyam na puntos dahil sa matinding depensa ng Aces. Si Arwind Santos, na siyang pangunahing kandidato para sa MVP of the Finals kung magkakampeon ang San Miguel, ay gumawa ng 24 puntos.

Nagdagdag ng 19 si Marcio Lassiter. Ang iba pang inaasahan ni Austria ay sina Alex Cabagnot, Chris Ross, Chris Lutz at Ronald Tubid.

Read more...