WARRIORS GINIBA ANG ROCKETS

KUMANA sina Stephen Curry at Klay Thompson ng tig-27 puntos para pamunuan ang Golden State Warriors na gumamit ng matinding ratsada sa ikatlong yugto para iuwi ang 131-106 panalo laban sa Houston Rockets kahapon.

Nakalamang ang Warriors ng limang puntos sa halftime at gumawa ng 38 puntos sa ikatlong yugto, kabilang ang 15 puntos mula kay Curry, para itaguyod ang 22-puntos na kalamangan sa ikaapat na yugto.

Si Dwight Howard, na hindi nakapaglaro sa unang dalawang laro kontra Warriors, ang nanguna para sa Houston sa ginawang 23 puntos at 10 rebounds sa laro na kung saan ang NBA leading scorer na si James Harden ay umiskor lang ng 11 puntos.

Nakakuha ang Rockets ng limang sunod na puntos mula kay Kostas Papanikolaou para tapyasin ang kalamangan sa 110-94 may pitong minuto ang nalalabi sa laro bago sumagot ang Golden State sa pamamagitan ng siyam na puntos, kabilang ang limang puntos mula kay Curry, para iangat ang  bentahe sa 119-94 at masungkit ang NBA-leading 24th double-digit na panalo.

Nakagawa lang si Harden ng dalawa mula sa kanyang naunang 12 tira at tinawagan ng ikaapat na foul mula sa kanyang charging foul may 1:44 ang nalalabi sa ikatlong yugto. Siya ay tumira ng 4 of 15 kabilang ang 0 of 4 mula sa 3-pointers para magtapos na mababa sa kanyang scoring average na 27 puntos kada laro.

Tumira si Kyle Korver ng season-high na pitong 3-pointers tungo sa pagtala ng 24 puntos para pangunahan ang Atlanta Hawks na talunin ang Chicago Bulls, 107-99, at kubrahin ang ika-12 diretsong panalo.

Si Al Horford ay nagdagdag ng 22 puntos at siyam na rebounds para sa Hawks na tinapatan ang second-longest win streak sa kasaysayan ng prangkisa. Si Paul Millsap ay umiskor ng 16 puntos habang si Jeff Teague ay nag-ambag ng 17 puntos at 11 assists.

Ang Hawks ay nanalo sa 26 sa 28 laro matapos ang 7-6 panimula at rumagasa sa itaas ng Eastern Conference sa pamamagitan ng pinakamatinding opensa at depensa sa NBA.

Si Derrick Rose ay nagtala ng 23 puntos, 10 assists at walong rebounds para sa Chicago, na natalo sa lima sa pitong laro. Si Pau Gasol ay nag-ambag ng 22 puntos at 15 rebounds habang si Jimmy Butler ay umiskor ng 15 puntos.

Kumamada si Zach Randolph ng 20 puntos at 15 rebounds habang si Beno Udrih ay nagdagdag ng 17 puntos, kabilang ang dalawang krusyal na tira sa huling minuto para tulungan ang Memphis Grizzlies na padapain ang Portland Trail Blazers, 102-98.

Nasungkit ng Memphis ang ikaapat na sunod na panalo at nakalamang ng mahigit 20 puntos sa second half. Subalit ang kalamangan ay bumaba sa 95-93 matapos na tumira si Damian Lillard ng  3-pointer may 1:06 ang nalalabi. Sinagot naman ito ng 20-footer ni Udrih habang papaubos ang oras para mapanatili ng Memphis ang bentahe.

Muling nagbuslo si Lillard ng 3-pointer may 27 segundo ang natitira subalit tumira si Udrih ng 22-footer may 8.7 segundo para iuwi ng Grizzlies ang panalo.

Nag-ambag sina Jeff Green at Courtney Lee ng tig-17 puntos habang si Marc Gasol ay nagtapos na may 15 puntos para sa Memphis.

Read more...