3 ex-PBB housemates bibida sa seryeng ‘Nasaan Ka Nang Kailangan Kita’ ng Dos

ano ang
APAT na babaeng sasalamin sa iba’t ibang mukha ng pag-ibig ang makikilala ng TV viewers simula ngayong Lunes (Jan. 19) sa pagbubukas ng pinakabagong Kapamilya Gold teleserye ng ABS-CBN na Nasaan Ka Nang Kailangan Kita.

Ito’y pagbibidahan nina Denise Laurel, Jane Oineza, ang ex-PBB housemate na si Loisa Andalio at Vina Morales. Matapos iwan ng kanyang ama sa murang edad, gagawin ni Cecilia (Vina) ang lahat upang mabuo muli ang kanyang pamilya at makapagtapos ng pag-aaral.

Sa kabila ng sakit na kanyang naranasan, muling matatagpuan ni Cecilia ang pagmamahal sa katauhan ni Leandro (Christian Vasquez).

Ano ang gagawin ni Cecilia sa oras na maramdaman niya muli ang lahat ng sakit at hirap na kanyang naranasan sa kanyang nakaraan? Paano patatatagin ng kanyang mga anak ang kanyang kalooban sa oras sa dumaan sa pagsubok ang kanilang pamilya?

Kaya bang alisin ng pag-ibig ang lahat ng galit at pait sa puso ni Cecilia? Tampok din sa Nasaan Ka Nang Kailangan Kita sina Jerome Ponce, Joshua Garcia at Aleck Bovick.

Kasama rin sina Arron Villaflor at Sue Ramirez para sa natatanging pagganap. Ito ay sa direksyon nina Jeffrey Jeturian at Mervyn Brondial.

Ang Nasaan Ka Nang Kailangan Kita ay mula sa pelikulang isinulat ng multi-awarded screenwriter na si Ricky Lee noong dekada 80.

Huwag palampasin ang pagsisimula ng pinakabagong teleserye na magsasalamin ng iba’t ibang klase ng pag-ibig, Nasaan Ka Nang Kailangan Kita ngayong Lunes, pagkatapos ng Flordeliza sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.

Samantala, wala naman daw ilangan sa taping ang tatlong dating PBB housemates na sina Jane Loisa at Joshua Garcia. Kung matatandaan, nagkaroon ng “love triangle” ang tatlo noong nasa loob pa sila ng Bahay ni Kuya pero maayos na raw ang kanilang samahan.

Sa presscon ng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita, siniguro ni Jane na okay na silang tatlo, “Okay lang sa akin to work with them, nag-e-enjoy din naman kami.

Actually happy ako for them kasi after PBB nagkaroon din sila, nagkaroon kami ng projects. I am very proud of them. So, sana magtuluy-tuloy na para lahat tayo masaya!”

Read more...