Mga Laro sa Huwebes
(JCSGO Gym)
12 n.n. Racal Motors vs MJM M-Builders
2 p.m. Jumbo Plastic vs Hapee
4 p.m. Bread Story-LPU vs MP Hotel
Team Standings: yHapee (9-0); yCagayan Valley (9-0); *Café France (8-2); Jumbo Plastic (6-3); Cebuana Lhuillier (5-4); Tanduay Light (4-6); Bread Story-LPU (3-5); xMJM M-Builders (3-6); xAMA (3-7); xWangs Basketball (2-7); xRacal Motors (2-7); xMP Hotel (1-8)
y – semifinalists
* – twice-to-beat sa quarterfinals
x – eliminated
PORMAL na inokupahan ng Café France ang ikatlong puwesto habang nanatiling palaban ang Cebuana Lhuillier para sa ikaapat na upuan nang nanalo ang dalawang ito sa 2014-15 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Isang beses sa limang attempts lang ang naisablay ni Rodrigue Ebondo sa huling yugto para tulungang maibangon ang Bakers sa 11 puntos pagkakalubog bago humalili si Samboy de Leon sa overtime para sa 74-68 tagumpay laban sa AMA University.
Ito ang ikalawang sunod na laro na naipanalo ng Bakers ang laro sa extension para ipakita sa mga katunggali ang kahandaan na maabot ang semifinals sa conference na ito.
May 8-2 karta na ang tropa ni Café France coach Edgar Macaraya para pormal na selyuhan ang ikatlong puwesto papasok sa susunod na yugto ng kompetisyon.
Bago ito ay tinalo ng Bakers sa overtime ang Gems, 67-62, para angkinin ang isa sa dalawang twice-to-beat advantage sa susunod na yugto.
May double-double na 18 puntos at 10 rebounds si Ebondo habang si Maverick Ahanmisi ay may 17 puntos at 12 boards. May 16 puntos pa si De Leon at anim rito ay ginawa sa overtime.
Nasayang ang 23 puntos ni James Martinez para sa Titans dahil namaalam na sila sa nalasap na ikapitong pagkatalo matapos ang 10 laro.
Dinurog naman ng Gems ang Wangs Basketball, 85-62, para umangat sa 5-4 baraha.
Nanatili sa ikalimang puwesto ang Cebuana Lhuillier at kailangan nilang maipanalo ang nalalabing dalawang laro at umasang matatalo ang nasa ikaapat na puwestong Jumbo Plastic (6-3) sa kanilang huling dalawang asignatura para angkinin ang mahalagang insentibo.
Tinalo rin ng MJM M-Builders ang MP Hotel, 93-68, para sa kanilang ikatlong panalo matapos ang siyam na laro.