MUKHANG nagagamit ang Department of Justice at National Bureau of Investigation (NBI) sa labanan ng mga Tsinoy middlemen at ng grupong Pinoy sa pag-corner ng vegetable market.
Naging masagwa na ang labanan ng mga ito with one group accusing another of manipulating the prices of imported garlic.
Sinabi ng NBI na si Lilybeth Valenzuela, isang garlic importer, na pinapaboran daw ni Agriculture Secretary Proceso Alcala ang isang grupo ng garlic importers sa pamamagitan ng pagbibigay ng import permits sa mga ito samantalang di naman daw binibigyan ang kabilang grupo.
Matinding paratang ang ginawa ni Valenzuela, pero meron ba siyang ebidensiya?
Maski sino ay puwedeng magparatang pero kailangan ng ebidensiya.
Si Valenzuela ay nagsa-sourgraping dahil hindi siya nabigyan ang kanyang grupo ng import permit.
Ang grupo ng mga Tsinoy middlemen at ang mga dummy ng mga ito ay natatalo ng All-Filipino group na pinangungunahan ni Leah Cruz.
Si Cruz ay pinuno ng Vegetable Importers, Exporters and Vendors Association of the Philippines o Vieva.
Ang mga Tsinoy middlemen ay bumibili ng mga gulay sa farmers sa mababang halaga at pinagbibili ang mga ito sa consumers sa mataas na presyo.
Sa kabilang panig, ang Vieva ay bumibili sa mga farmers ng mga gulay at ibang farm products sa current market price at pinagbibili sa mga consumers sa mababang halaga.
Maliit ang tubo ng Vieva sa pagtitinda sa mga consumers, mga housewives, halimbawa.
Pero tumutubo sila ng malaki dahil sa bulto ang pagbili at pagtitinda nila.
Dahil natatalo ang mga Tsinoy, gumagawa sila ng mga foul na pamamaraan upang ma-patumba ang Vieva sa pamamagitan ng pagsasampa ng kung anu-anong mga kaso sa korte.
Bakit ko alam ang gawain ng Vieva?
Dahil ang aking farm sa Puerto Princesa ay pilot farm ng Vieva.
Dapat ay pumagitna lang ang DOJ at NBI sa labanan ng mga Tsinoy middlemen at ng grupo ni Leah Cruz.
Bakit di mapatawad ng Simbahang Katolika ang tourist guide na si Carlos Celdran na nakagawa ng maliit na pagkakasala na kung tutuusin ay hindi naman krimen?
Hindi naman nagnakaw si Celdran. Di rin siya nang-agaw ng asawa ng may asawa. Hindi siya nanakit ng physical ng ibang tao. Hindi rin siya nakapanakit sa lipunan sa pamamagitan ng drug pushing o drug trafficking. Hindi rin siya tumakas sa pagbabayad ng buwis.
Ang kanya lang na-ging kasalanan ay nang pumarada siya sa loob ng Manila Cathedral habang may Misa at dala niya ang isang sign na nakasulat “Damaso.”
Ang “Damaso” na tinutukoy ni Celdran ay si Padre Damaso sa nobela ni Jose Rizal na “Noli Me Tangere” na ang inilalarawan ay ang mga pang-aabusong ginawa ng mga pari noong panahon ng mga Kastila.
Si Celdran ay naglabas lamang ng kanyang damdamin at damdamin ng karamihang mamamayan tungkol sa pakikialam ng Simbahang Katolika sa usapin sa gobyerno.
He was just expressing his right to free expression na nakasaad sa ating Saligang Batas.
Pero meron palang batas na nagpaparusa sa mga taong nakasakit sa damdamin ng Simbahan.
Si Celdran ay pinatawan ng parusa ng korte sa ilalim ng estupidong batas na ito.
Pero kung patatawarin siya ng Simbahang Katolika ay hindi siya makukulong.
Pero hindi naman siya pinatatawad ng Simbahan.
Tinuturo ng Simbahan ang pagpapatawad sa mga nagkasala.
Bakit hindi ma-patawad ng Simbahan si Celdran na maliit lang naman ang pagkakamali kung tutuusin.